Sa paparating na Disyembre 10, muling gugunitain ang Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao. Sa taong ito, panawagan ng iba’t ibang grupo ang pagsingil kay Ferdinand Marcos Jr, habang pinananagot ang dating rehimeng Duterte sa mga krimen nito sa sambayanan.
Pinakahuling krimen ng rehimen ang pagpatay ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philipippines (AFP) kay Honeylet Herrera, isang maybahay, sa Sityo Balogo, Barangay Cristo, Donsol, Sorsogon noong Nobyembre 2. Pinaratangan siyang may kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ayon sa BHB-Sorsogon (Celso Minguez Command), ganting-salakay ito ng militar sa mga sibilyan sa komunidad kasunod ng pagparusa ng BHB sa ahente sa paniktik na si Darius Laya noong huling linggo ng Oktubre. Sangkot si Laya sa pagkakanulo sa mga kababaryo at pagtuturo sa mga sibilyan, kabilang si Herrera, na may ugnayan sa hukbong bayan.
Pag-aresto. Inaresto ng mga sundalo ng 85th IB si Allan Aragon, katutubong Manide, sa kanyang komunidad sa Barangay Cabatuhan, Labo, Camarines Norte noong Nobyembre 20. Hindi pa natutunton ng mga kaanak ang kinaroroonan hanggang sa kasalukuyan. Kasunod ng pag-aresto, walang patumanggang nagpaulan ng bala ang 85th IB sa barangay.
Sa Negros Occidental, inaresto ng mga pulis ang isang 29-anyos na alyas “Rafael” sa Barangay Caradio-an, Himamaylan City sa kasong illegal possession of firearms. Pinalalabas ng mga pulis na nakumpiska sa kanya ang isang improvised o sariling gawang 12-gauge shotgun na may dalawang bala. Pinaratangan rin siya ng mga pulis bilang “kumander ng yunit milisya” kahit pa “pinasurrender” na siya sa nakaraan.
Panggigipit. Sa La Union, binulabog ng tatlong elemento ng 5th ID ang bahay ni George Cacayuran, tagpangulo ng Timek-Pamalakaya, noong Nobyembre 20 nang umaga sa Barangay San Manuel Norte, Agoo.
Sa Rizal, kinumpronta ng mga residente at katutubong Dumagat-Remontado ng Barangay San Andres, Tanay, Rizal ang mga sundalo ng AFP sa paglusob sa kanilang komunidad noong Nobyembre 26. Plano ng AFP na gamitin ang lupang ninuno ng mga Dumagat-Remontado bilang reserbasyon o kampong militar.
Sa Negros Oriental, dalawang bahay ang sapilitang pinasok at hinalughog ng 62nd IB noong Nobyembre 27. Pinasok ang bahay nina Joan Lechan at ng pamilyang Perolino na mayroong mga batang edad 2- at 5-taong gulang sa Sityo Gusa, Barangay Budlasan, Canlaon City. Pinagbantaan ang pamilyang Perolino na imamasaker kung hindi sasagot sa kanilang interogasyon.