Kabi-kabila ang pagbatikos ng mga organisasyon at grupo mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa ginawang pagharang ng Zionistang Israel sa Madleen, isang barkong may dalang pagkain, at pagdakip sa sibilyang lulan nito. Ihahatid nila ang pagkain sa ginugutom na mga Palestino ng henosidyo at gera ng Israel.
Ang Madleen ay pinahinto at pinasok ng Israel sa ganap na alas-4:02 ng umaga noong Hunyo 9 (alas-9:02 ng umaga sa oras ng Pilipinas) sa internasyunal na karagatan. Isang oras bago nito, pinalibutan ang barko ng mga drone ng Israel at nag-spray ng kulay puti na parang pinturang kemikal sa barko. Nasa layo pa itong 200 kilometro mula sa Gaza. Dinala ang barko sa pyer ng Ashdod sa Israel noong gabing iyon.
Lulan ng Madleen ang 12 indibidwal kabilang ang kilalang aktibistang maka-kalikasan na si Greta Thunberg, myembro ng European Parliament na si Rima Hassan, mamamahayag ng Al Jazeera na si Omar Faiad at iba pa. Ang sibilyang delegasyon ay inilunsad ng Freedom Flotilla Coalition (FFC) noong Hunyo 1 mula sa Catania, Sicily. Layunin nilang hamunin ang blokeyo sa pagkain at ayuda ng Israel sa Gaza na ipinatupad simula Marso.
Matapos dakpin, ibinimbin ang 12 lulan ng Madleen. Sa sumunod na mga araw ay ipina-deport ang apat sa 12 aktibista sa kani-kanilang bansa, habang ang walo ay haharap sa korte dahil sa pagtangging pumirma ng papeles sa deportasyon.
Sa Pilipinas, nagbigay ng suporta sa sibilyang delegasyon ng Madleen ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA).
Tinawag ng Bayan na paglabag sa internasyunal na batas at atake sa dignidad ng isang tao ang ginawa ng Israeli Occupation Forces (IOF) sa sibilyang misyon. “Ang paggamit ng pwersa laban sa hindi armadong sibilyan na nagsasagawa ng isang makataong delegasyon ay isang agresyon,” ayon sa grupo.
Anang grupo, hindi krimen ang paghahatid ng tulong sa Gaza. “[Ang mga bahagi ng sibilyang delegasyon] ay matatapang na indibidwal na pinapatnubayan ng malalim na paninindigan sa karapatang-tao at isang moral na tungkulin na kumilos sa harap ng kawalang-katarungan,” pahayag ng Bayan.
Nanawagan ang grupo sa agaran at walang kudisyong pagpapalaya sa lahat ng mga aktibistang kalahok sa delegasyon. Suportado rin ng grupo ang isang imbestigasyon sa pag-atake at pagsamsam ng Israel sa Madleen. Hinimok ng Bayan ang ibang mga grupo sa Pilipinas at ibang bansa na panagutin ang Israel sa mga krimen nito laban sa delegasyon at sa henosidyo sa mga Palestino.
Sa protesta ng Bayan sa US Embassy sa Maynila noong Hunyo 12, binatikos nila ang imperyalismong US sa pagsuporta nito sa henosidyo ng Israel sa mamamayang Palestino. Ipinahayag nila dito ang suporta sa Madleen at pakikibaka ng mga Palestino para sa pambansang paglaya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinigilan ng Israel ang pagpasok ng makataong ayuda at suporta sa Gaza sa pamamagitan ng pagpasok ng mga barko at sasakyang pandagat. Simula 2010, lahat ng mga nagtangkang maghatid ng tulong at ikutan ang blokeyo ay sinamsam o pinalubog ng Israel.
Noong Mayo, nagtangkang dumaong sa Gaza ang sasakyang pandagat na Conscience. Pinasabugan ito ng dalawang drone dahilan para masunog ito at mabutas. Apat ang nasugatan sa pag-atakeng iyon ng Israel.
Sa huling ulat ng Integrated Food Security Phase Classification (IPC), isa sa kada limang Palestino sa Gaza ang dumaranas ng labis na kagutuman dahil sa blokeyo sa pagkain ng Israel. Dumaranas ng acute food shortage ang 1.95 milyong tao o 83% ng kabuuang populasyon sa Gaza.
Simula Oktubre 7, 2023, naitala ang pagpatay ng Israel sa hindi bababa sa 55,000 na mga Palestino sa mga pambobomba, pag-atake at kampanyang henosidyo nito sa Gaza.