Paghahawan para sa plantasyon ng oil palm sa Negros Occidental, pansamantalang napatigil

Pansamantalang napatigil ng mga magsasaka, katutubo at grupong maka-kalikasan ang paghahawan ng Hacienda Asia Plantation Inc. (HAPI) sa lupa at mga sakahan para bigyan-daan ang paglalatag ng plantasyon ng oil palm sa Candoni, Negros Occidental. Ito ay matapos ang isang dayalogo sa pagitan nila at ng lokal na gubyerno ng prubinsya noong Hunyo 11.

Ayon sa mga residente ng apektadong mga barangay, sasaklawin ng HAPI ang sakahan ng 100 magsasaka na may tanim na mais, pinya, tubo at gulay ng may 100 magsasaka. Ayon naman sa mga katutubo, hindi sila hiningan ng Free, Prior, and Informed Consent o FPIC, isang ligal na rekisito para mapahintulutan ang anumang operasyon sa mga lupang ninuno.

Tinututulan din ng mga grupong maka-kalikasan ang paglalatag ng plantasyon na anila’y sumisira sa kalikasan dahil nagdudulot ito ng soil erosion, paghahawan ng mga ripian zone, siltation na nagsasapanganib sa katubigan at walang pakundangang land excavation. Nahapag ito ng isang petisyon para sa agad na pagpapatigil sa operasyon ng HAPI at pagbawi ng mga mga permit na iginawad sa kumpanya. Nakatipon ang naturang petisyon ng 360 pirma.

Natulak maging ang gubernador ng Negros Occidental na si Bong Lacson na sumulat sa Department of Environment and Natural Resources DENR) para kwestyunin ang operasyon ng HAPI na natuklasan nitong walang environmental compliance certificate o ECC mula sa kagawaran. Noong 2024, binuo niya ang isang Multipartite Monitoring Team (MMT) para pangasiwaan ang pagtitiyak na sumusunod sa mga tuntunin ang HAPI. Hanggang ngayon, walang tugon ang kumpanya sa mga resolusyon ng MMT.

Pumutok ang mga protesta sa lugar noong huling bahagi ng 2023 nang simulan ng HAPI ang pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo, katuwang ang militar, para hawanin ang 6,600 ektaryang kagubatan at sakahan sa Candoni.

Batid ng mga magsasaka, katutubo at maka-kalikasang grupo na maari pang mabago ang pansamantalang suspensyon na ipinataw sa HAPI. Panawagan nila sa gubernador, tuluyang pagbawalan at palayasin ang kumpanya mula sa kanilang mga lupa. Iginiit din nila sa DENR na bawiin ang pinasok nitong Integrated Forest Management Agreement o IFMA sa kumpanya. Ayaw nilang mabigyan ang kumpanya ng mga permit at ligal na mga papeles dahil malaking banta sa kagubatan at kanilang mga komunidad ang plantasyon.

Anila, hindi sila magkakampante hanggang di nasisiguro ang proteksyon sa kanilang mga lupa, tubig, katiyakan sa pagkain at kabuhayan.

Source link