Mahigpit na kinukundena ng Communist Party of the Philippines si Ferdinand Marcos Jr at kanyang mga alipures sa pagdiskaril nila sa panukalang itaas ang minimum na sahod ng mga manggagawang Pilipino, na itinakda sa dagdag na P200 ng mababang kapulungan.
Tuso at kalkuladong hakbang ang pagdadahilan ng senador na si Chiz Escudero na “wala nang panahon” at “walang sapat na pag-aaral” para pigilan ang pag-abante ng panukalang P200 dagdag-sahod na makasasagot sana sa isang napakakagyat na kahilingan ng milyun-milyong manggagawa.
“Umaktong ahente ni Marcos ang Senado para sagkaan ang panukalang dagdag na P200 sa arawang minimum na sahod, upang hindi na ito makarating sa kanyang lamesa,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP.
“Kahit sa gitna ng kanilang pagbabardagulan sa impeachment ng bise-presidente, nagkakaisang tumindig ang mga senador, kabilang ang mga maka-Duterteng senador na bukambibig ang kuno’y pagsisilbi nila sa bayan, para ipagtanggol ang interes ng dayuhan at malalaking kapitalista.”
Tinukoy ni Valbuena na inuna pa ng Senado ang pagpasa ng prayoridad ni Marcos na maka-dayuhang mga panukalang palawigin sa 99 na taon pag-aari at pagkontrol ng mga dayuhan sa mga lupain sa Pilipinas, liban pa sa paspasang pagkumpirma at pagpwesto sa mga tauhan ni Marcos sa burukrasyang militar at sibil.
“Nagbibingi-bingihan si Marcos at kanyang mga alipures sa makatarungang mga hinaing ng mamamayan,” dagdag ni Valuena. “Nabubulag-bulagan sila, ang mga Marcos at Duterte, sa mapait na reyalidad na mahigit kalahati ng mga pamilyang Pilipino ay itinuturing ang kanilang mga sarili na mahirap, at na patuloy na tumataas ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom.
“Hindi mapagtatakpan ng manipulasyon sa estadistika ang malalim at matalim na krisis sa kabuhayan ng mamamayan,” pagpapalawig ni Valbuena.
“Ang talagang hinihingi ng mga manggagawa ay minimum na sahod na P1,200 kada araw, na batay sa mga pag-aaral katumbas ng saligang pangangailangan ng kanilang mga pamilya,” sabi ni Valbuena. “Kulang na kulang man ang dagdag na P200 kada araw, magbibigay sana iyon ng kaunting alwan sa mga tumatanggap ng minimum na wala pa sa kalahati ng halaga ng pangangailangan ng mga manggagawa na itawid ang kanilang mga pamilya sa araw-araw.”
Panawagan ng CPP sa mga manggagawang Pilipino: Ituloy ang laban para sa nakabubuhay na sahod!
“Kayo lamang ang tunay na lumilikha ng yaman ng bansa,” ani Valbuena. “Marapat lamang na makatarungang tumbasan ang inyong lakas-paggawa para makapamuhay ang inyong mga pamilya nang disente at may dignidad.”