Planong magsumite ng petisyon ng mga grupo ng migranteng Pilipino sa Philippine Consulate General (PCG) sa Hong Kong para igiit ang pagbubukas ng upisina nito at pagbibigay ng serbisyo tuwing Sabado. Ihahapag nila ang petisyon kay Hans Cacdac, kalihim ng Department of Migrant Workers, na nakatakdang bumisita sa Hong Kong sa darating na Hunyo 12. Pinangunahan ang pangangalap ng suporta para sa petisyon ng Filipino Migrant Workers Union-Hong Kong, United Filipinos in Hong Kong (Unifil-Migrante HK), Methodist International Church-HK, Filipino Christian Community at Iglesia Filipina Independiente HK Fellowship.
Ayon sa Unifil-Migrante, ang Sabado ang pangalawang pinakamadalas na libreng araw para sa mga Pilipino na domestic worker, sunod sa Linggo. Makikita ito sa malalaking pagtitipon ng mga manggagawa sa Central Park at sa iba’t ibang ministro ng simbahan at kongregasyon sa buong Hong Kong.
“Alam namin na hindi pinahihintulutan ng karamihan ng mga employer ang mga kasambahay na umalis sa kanilang mga bahay maliban sa itinakdang araw ng pahinga,” ayon sa grupo. Sa gayon, tanging sa araw na ito nakalalabas ang mga manggagawa para maka-akses sa mga serbisyo ng konsulado—mula sa mga pagtatanong, pagproseso ng dokumento, beripikasyon ng mga dokumento at pagkuha ng Overseas Employement Certificate (OEC).
Sa ngayon, bukas lamang ang konsulado mula Linggo hangang Huwebes, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Umaasa ang mga grupo na babaguhin ng konsulado ang iskedyul nito para matiyak ang mga serbisyo nito laluna sa mga migranteng naliligalig o nahaharap sa kritikal na mga usapin.
“May susing papel ang mga migrante pareho sa lipunang Hong Kong at Pilipinas, na signipikanteng nag-aambag sa ekonomya, pulitika, panlipunan at kultural na larangan,” ayon sa grupo. “Umaasa kami na ipamamalas ng gubyerno…na integral na bahagi ang mga migrante sa lakas paggawa at lipunang Pilipino.”
Ang pagbubukas ng konsulado tuwing Linggo ay resulta rin ng paggigiit ng iba’t ibang organisasyon ng mga migrante, kabilang ang Unifil-Migrante, sa noo’y rehimeng Arroyo.