Mariing tinututulan ng mamamayang Mindoreño ang desisyon ng Korte Suprema na nagbasura sa 25-taong moratorium o pagbabawal sa malakihang pagmimina sa Occidental Mindoro. Sa pastoral letter na inilabas noong Hunyo 12 ni Bishop Moises Cuevas ng Calapan, na isinapubliko nitong Hulyo, iginiit ng obispo na ang desisyon ay banta hindi lamang sa prubinsya kundi maging sa ibang mga prubinsya na may katulad na pakataran para protektahan ang kalikasan.
Ayon kay Bishop Cuevas, ang pagbabasura ng mining ban ay maaaring maging mapanganib na bagong pamamarisan sa batas, na magpapahina sa kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na ipagtanggol ang kanilang likas-yaman laban sa malalaking kumpanya sa pagmimina.
“Hindi pwedeng magsawalang-kibo. Ang desisyong ito ay banta sa pangangalaga ng kalikasan at katarungang panlipunan,” pahayag ng obispo. Hinikayat niya ang simbahan, mga organisasyong pangkalikasan, at mga lokal na upisyal na magkaisa at kumilos.
Tinutukoy ng obispo ang desisyon ng Korte Suprema, na inilabas noong Enero at pinagtibay noong Mayo, kung saan sinabing nilabag ng Occidental Mindoro ang Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995 nang magpatupad ito ng total ban sa malakihang pagmimina. Pagdahilan ng Korte Suprema, tanging ang pambansang pamahalaan ang may kapangyarihan sa regulasyon ng rekursong mineral, at hindi maaaring magpatupad ng “blanket ban” o pangkalahatang pagbabawal ang mga lokal na pamahalaan.
Mariin ring kinundena ng mga grupong maka-kalikasan ang desisyon. Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment, ang desisyong ito ay “direktang pagyurak sa karapatan ng mga lokal na gubyerno at komunidad na ipagtanggol ang kanilang kalikasan at kabuhayan.” Iginiit ng grupo ang agarang pagbabasura ng RA 7942.
Sa darating na Hulyo 10, magsasagawa ang Apostolic Vicariate of Calapan ng “Dialogue Forum on the Mindoro Mining Moratorium” sa Calapan City, kasabay ng pagdedeklara ng Day of Prayer for Environmental Justice. Layon nitong pagtibayin ang paninindigan ng simbahan at mamamayan para sa kalikasan, at hikayatin ang malawakang pagkilos at panalangin para sa katarungan sa kalikasan.