Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang Water for the People Network-La Union (WPN -La Union) at tinawag na di katanggap-tanggap ang desisyon ng Regional Trial Court of San Fernando City, La Union na bigyan ng protection order ang PrimeWater at pahintulutan ito na magpatuloy sa kanilang operasyon nang walang abala. Inilabas ang desisyon noong Hunyo 11 ngunit noong Hunyo 18 lamang nakakuha ng kopya ang local water district.
Sa desisyon ng korte, ginawa nitong permanente ang naunang direktiba na ibalik sa dating kaayusan ang operasyon sa mga pasilidad. May buong kontrol sa pasilidad at serbisyo ang Primewater sa ilalim ng Joint Venture Agreement (JVA). Inutusan nito ang Metro San Fernando Water District (MSFWD) na itigil ang mga pagsisikap na bawiin ang mga operasyon.
Mataandaang naglabas ng resolution noong Enero 2 ang board ng MSFWD para sa pre-termination ng JVA sa Primewater. Sa kabila ng ibinigay na 90 araw na palugit para magpaliwanag ang kumpanya, walang naging tugon ang PrimeWater. Noong Mayo 8 ay tinapos na ng board ang kasunduan at agad na binawi ng lokal na distrito ang pangangasiwa sa serbisyo sa tubig. Ang PrimeWater ay pag-aari ng pamilyang Villar, isa sa pinakamayamang burgesyang kumprador sa bansa.
Ayon sa WPN-La Union ang desisyon ng RTC ay nangangahulugan lamang ng pagpapatuloy ng pagdurusa ng mga nakaasa dito habang pinipiga sila para sa kita ng PrimeWater. “Nakakadismaya na pinapaburan ng RTC ang Primewater sa kabila ng napakaraming ebidensya ng kawalan nito ng kakayanan at kabiguan na gampanan ang kanilang obligasyon at pangako.”
“Nakalulungkot na sa kabila ng kawalan ng kapasidad ng Primewater at patuloy na kawalan ng kakayanan na panatilihin ang mga pasilidad ng MSFWD at magbigay na maasahang serbisyo, ay pinipilit pa rin nila ang kanilang kontrol, na siyang humaharang sa kinakailangan pagpapaunlad at nagpapaantala sa kalidad na serbisyo na karapatdapat na matanggap ng mga nakaasa dito,” ayon sa MSFWD.
Sa kasakuyan, dinoble ng PrimeWater ang singil nito sa serbisyo nitong Hunyo kasabay ng pag-anunsyo sa Facebook page nito ng pinadaling sistema sa pagbabayad ng serbisyo. Dalawang beses din nag-anunsyo ng walang tubig ang kumpanya mula nang mabawi nito ang operasyon. Pagpapakita ito na wala pa rin pagbabago sa kanilang serbisyo. Isinara na rin nito ang comments section ng kanilang FB page upang makaiwas sa galit ng mamamayan.
“Nanawagan kaming muli sa suspensyon at imbestigasyon sa JVA ng PrimeWater sa La Union dahil sa patuloy nitong kabiguan at kapabayaan sa mga nakaasa dito mula pa 2016. Hinihimok namin ang mga lokal na ahensya ng gubyerno ng San Fernando. Bacnotan, San Juan, Bauang at San Gabriela, at ang lokal na gubyerno ng La Union, na agad na makialam at tumindig para ibasura ang JVA sa Primewater at mapalayas na ang gahaman na kumpanya sa prubinsya” panawagan ng WPN-La Union.
“Naninindigan kami na ang akses sa malinis at abot kayang serbisyo sa tubig ay mahalaga. Mahalaga ito para sa buhay at kalusugan. Ang nagpapatuloy na palpak na serbisyo at pagkakait ng suplay ng tubig sa mamamayan ay isang krimen at paglabag sa batas,” pahayag ng grupo.