Naglunsad ng kilos protesta ang iba’t ibang organisasyon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Hunyo 22 sa Boy Scout Circle, Quezon City upang kundenahin ang pambobomba ng US sa Iran. Anila, ang pambobomba ay isang direktang agresyon laban sa isang soberanong bansa at labag sa internasyonal na batas.
Kasabay nito, naglunsad ng candle lighting ang Anakbayan Panay at iba pang organisasyon upang kundenahin ang pang-aatake ng US, at bilang pakikiisa sa Iran at Palestine.
Naglunsad din ng pagkilos noong Hunyo 24 ang Bayan-Central Visayas sa Cebu City, laban sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at kundenahin ang pag-atake ng US sa Iran. Sa pagkilos, bitbit ng mga aktibista ng bandila ng Palestine at nagpunit ng litrato ni Trump at bandila ng US.
Matatandaang noong Hunyo 22, madaling araw sa Iran, binomba ng US ang tatlong pangunahing pasilidad nukleryar ng Iran: ang Fordow, Natanz, at Isfahan. Gumamit ang US ng anim na B-2 stealth bombers na naghulog ng 30,000-librang mga bombang tinawag na “bunker buster” para wasakin ang mga pasilidad sa ilalim ng lupa na lumilikha ng kuryente.
Kahit walang ebidensya, ipinagpipilitan ni Trump na ginagamit ng Iran ang mga pasilidad na ito sa paglikha ng mga sandatang nukleyar. Bukod dito, nagpakawala rin ang US Navy ng mga Tomahawk cruise missiles mula sa submarino bilang bahagi ng koordinadong opensiba.
“Inuudyok ng rehimeng Trump ang isang malawakang digmaan sa rehiyon sa pamamagitan ng pambobomba sa Iran at pagsuporta sa naunang pag-atake ng Israel laban dito. Ngayon, hayagang nakikialam na ang US, tiyak na lalala ang tunggalian at magkakaroon ito ng malawakang epekto sa buong mundo,” paliwanag ni Renato Reyes, presidente ng Bayan.
Nagbabala naman Atty. Carlos Zarate, dating kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso, kaugnay sa epekto ng gera sa ekonomya, partikular sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Ang hindi kinakailangang agresyong militar ay hindi lamang magdudulot ng kaguluhan sa rehiyon, kundi magkakaroon ng matinding epekto sa Pilipinas. Itaas nito ang pandaigdigang presyo ng langis at magpapalala sa paghihirap ng ordinaryong mga Pilipino,” aniya.
Nakiisa naman ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Unyon ng Manggagawa sa Agricultura (UMA) sa mamayan ng Iran at mamamayan ng mga aping bansa sa pakikibaka laban sa imperyalismong US.
Ani ng PKM, ang agresyon ng US ay bahagi ng ng malawak na imperyalismong hangarin ng US na samantalahin, okupahin at i-militarisa ang mga bayan para sa pakinabang nito sa heyopolitika at ekonomya. “Ang imperyalistang interes na sumisira sa Middle East ay siya ring nasa likod ng militarisasyon, pandarambong, at pang-aagaw ng lupa sa Pilipinas at iba pang aping bansa.”
Nagpahayag ng mahigpit na pagkundena ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pambobomba ng US, na isinunod sa mahigit isang linggong walang patumanggang pang-aatakeng ng Israel. Ayon kay Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, ang pambobomba ay “tahasang pagyurak sa soberanya ng Iran at malalang paglabag sa internasyunal na batas.”
“Ang ‘preemptive strikes’ na isinasagawa ng US at Israel ay nakabatay sa katulad na kasinungalingang ginamit noon ng imperyalistang US na ‘weapons of mass destruction’ para bigyan-katwiran ang pananalakay sa Iraq at patalsikin si Saddam Hussein, 20 taon na ang nakararaan,” ayon kay Valbuena.
“Estratehikong layunin ng pag-atake ng Israel at US sa Iran ang ipataw ang hegemonya ng imperyalismong US sa Middle East at kontrolin ang malawak na rekursong langis ng rehiyon.”
Nagbabala ang PKP sa panganib ng mas malawak na digmaan sa rehiyon, na tiyak na iindahin ng milyun-milyong sibilyan, kabilang ang mga migranteng manggagawang Pilipino.
“Dapat suportahan ng lahat ng demokratikong pwersa sa mundo ang Iran, gayundin ang mamamayang Palestino, sa paglaban sa US-Israeli war machine na nananalasa ngayon sa Middle East para paluhurin ang mga bansa sa kanilang kapangyarihan, at isuko ang kanilang kalayaan,” ayon sa Partido.