Kabi-kabila ang pagbatikos ng mga demokratikong grupo sa pagdakip ng mga elemento ng 66th IB, 67th IB, at pulis sa 11 indibidwal sa isang tsekpoynt sa Bunawan, Agusan del Sur noong Hunyo 13 ng gabi. Ayon sa Karapatan-Southern Mindanao, walang anumang dahilan ang mga pwersa ng estado para dakpin ang 11. Iginiit nito na gawa-gawa ang mga kaso at pinalalabas na nakuhang mga armas at pampasabog sa mga inaresto.
Bumibyahe mula sa bayan ng Monkayo sa Davao De Oro sina Charisse Bernadine Bañez, Ronnie Igloria, Louvaine Erika Espina, Sinag Lugsi, Larry Montero, Daryl Man-Inday, Arjie Guino Dadizon, Grace Niknik Man-aning, Leo Taba, at dalawang drayber nang harangin sa tsekpoynt. Sa impormasyon ng grupo, sapilitan silang pinababa at pinadapa.
Hinalughog ng militar at pulis ang sasakyan nang walang ipinakikitang search warrant at kinumpiska ang kanilang mga gamit. Pinatayo lamang sila matapos ang dalawang oras at pinalabas na nakuha sa kanilang gamit ang mga armas at pambasabog. Dinala sila sa istasyon ng pulis sa Bunawan, ayon sa grupo.
Noong umaga ng Hunyo 14, nadiskubre ng mga biktima na hindi na nila kasama at nawawala sina Taba at ang dalawang drayber ng mga sasakyan. Sa araw na iyon, pinigilan din ng mga sundalo ang mga paralegal at grupo sa karapatang-tao na makalapit at makausap ang mga dinakip.
Napag-alaman ng Karapatan-Southern Mindanao na habang nasa detensyon ang mga biktima ay ipinailalim sila sa interogasyon ng militar mula gabi hanggang umaga. Ipinailalim sila sa sikolohikal na tortyur at magdamag na binantayan ng mga sundalo ang kanilang selda.
“Umabot nang 36 oras bago sila binigyan ng batayang mga pangangailangan. Pinagkaitan rin ng kagyat na komunikasyon ang kanilang pamilya [sa mga biktima],” ayon sa ulat ng grupo.
Nagpapakalat ngayon ng impormasyon ang 10th ID, ang National Task Force-Elcac at mga bayarang ahente nito na mga “dating rebelde” na ang mga nadakip ay matataas na lider ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Pinaiigting nila ang kampanya ng pagpapakalat ng ganitong naratibo para palabasing lehitimo ang iregular na pagdakip sa mga biktima.
Ginagamit nila ang sitwasyon para patampukin ang kampanyang Red-tagging sa mga ligal na demokratikong organisasyon. Anila, dahil si Bañez ay isang dating lider ng League of Filipino Students at grupong Anakbayan, ay pinatutunayan na nito ang ugnayan ng mga grupong ito sa armadong rebolusyonaryong kilusan.
Sa harap ng mga ito, nanindigan ang Karapatan-Southern Mindanao na labag sa karapatan ng mga biktima ang pag-aresto. “Lubha itong paglabag sa kanilang mga karapatang-tao, sa pagsasantabi ng mga pwersa ng estado sa mga batas tulad ng Anti-Torture Act at Anti-Enforced Disappearance Act—lahat sa tabing ng ‘kontra-isurhensya,’” ayon sa grupo.
Pagdidiin nito, hindi ito isang nahihiwalay na kaso. “Bahagi ito ng mas malawak na padron ng sistematikong paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Marcos,” dagdag ng grupo. Tampok umano sa Southern Mindanao ang dumaraming kaso ng militarisasyon sa komunidad, pagpapatahimik sa mga tumutuligsa sa gubyerno, iligal na mga pag-aresto at iba pang paglabag sa karapatan.
Panawagan nila ngayon na agad palayain ang Agusan 8 at ilitaw si Taba at ang dalawang drayber. Dapat umano silang kaagad bigyan ng akses sa piniling abugado, kontak sa pamilya at batayang mga pangangailangan.