Communist Party of the Philippines
Kasama ang mga rebolusyonaryong proletaryo ng buong daigdig, ipinararating ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ngayong araw ng Mayo Uno ang pinakamahigpit na pakikiisa sa lahat ng manggagawa at anakpawis sa lahat ng dako ng mundo.
Ginugunita natin ngayong taon ang ika-135 na Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa na unang idineklara ng Second International noong 1890 bilang pagpupugay at pag-alala sa mga manggagawang Amerikano na nakipagsagupa sa mga pulis sa Haymarket Square sa Chicago City noong 1886, sa malawakang pag-aaklas noon para sa 8-oras na paggawa. Marapat lamang na sa araw na ito ay dakilain natin sila at lahat ng mga bayani at martir ng uring manggagawa. Humalaw tayo ng inspirasyon at lakas sa buhay ng laksa-laksang nag-alay ng buhay sa dantaong pakikibaka ng uring manggagawa, para sa kasalukuyang paglaban sa pang-aapi at pagsasamantala, at nagpapatuloy na pagbangon para wakasan ang nagnanaknak at naghihingalong sistema ng monopolyong kapitalismo, at itayo ang bagong mundong sosyalismo.
Patuloy na lumalala at tumitindi ang mga anyo ng pagsasamantala sa mga manggagawa sa harap ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa buong mundo, nagdurusa ang mga manggagawa sa mababang sahod, lumalalang kalagayan sa paggawa at malupit na pagsupil sa kanilang mga karapatan, sa paghahabol ng mga monopolyong kapitalista na magkamal ng tubo mula sa lakas-paggawa ng mga manggagawa.
Sa Pilipinas, lubhang napakababa ng sahod ng mga manggagawa na nasa kalahati lamang ng kailangan para makaagapay ang kanilang pamilya sa tuluy-tuloy na pagpaimbulog ng presyo ng mga bilihin. Pinapako ng rehimeng Marcos ang sahod ng mga manggagawa upang ipang-akit sa mga dayuhang mamumuhunan ang murang lakas-paggawa ng mga Pilipino. Dahil sa pabarya-baryang umento, labis nang nahuli ang sahod ng mga manggagawa sa pagtaas ng araw-araw na gastos sa pamumuhay. Binubuo ng mga manggagawa ang malaking bahagi ng sambayanang Pilipino na inaapi ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at pandarambong at pagkamkam sa yaman ng bansa.
Sa loob at labas ng tinagurian mga “engklabong pang-ekonomya”, inaabuso ang mga manggagawang Pilipino sa anyo ng labis na oras ng pagtatrabaho, hindi makatao o peligrosong kundisyon sa paggawa, at iba pang anyo ng pang-aapi. Laganap ang kontraktwalisasyon na nagkakait sa kanila ng kaseguruhan sa trabaho, mga karapatan at benepisyo. Walang-awat ang mga paglabag sa karapatan sa pag-uunyon at ang pagdami ng kaso ng mga pagkakaso at pag-aresto sa mga manggagawang nag-oorganisa at tumitindig para sa kanilang kagalingan. Halos 4% lamang ng mga manggagawang Pilipino ang kabilang sa unyon, at wala sa isang porsyento ang saklaw ng mga _collective bargaining agreement_.
Dahil sa krisis sa ekonomya at kawalan ng saligang mga industriya, milyun-milyong Pilipino ang walang disente at regular na trabaho. Binubuo nila ang nag-uumapaw na dagat ng reserbang paggawa. Pinagtatakpan ito ng mga upisyal na estadistika ng gubyerno sa mga terminong “underemployed,” “self-employed”, “unpaid family worker,” “not in the labor force” at iba pang mga kategorya. Ang milyun-milyong naiwan ay napupwersang pasukin ang kung anu-anong mapagkakakitaan para may maipantawid-buhay sa kanilang mga anak.
Libu-libong Pilipino ang araw-araw ay nangingibang-bansa upang maghanap ng trabaho bilang mga dekontratang migranteng manggagawa. Marami sa kanila ang namamasukang katulong, gayundin bilang mga manggagawa sa konstruksyon, mga seaman at iba pa. Ilang dekada na ang “labor export policy” ng reaksyunaryong estado sa harap ng sidhi ng krisis ng disempleyo sa bansa, at para magpasok ng dolyar sa Pilipinas upang tustusan ang kalakalan at pangungutang.
Sa nagdaang dekada o mahigit pa, dumanas ng malulupit na pasistang hambalos ang kilusang manggagawa sa Pilipinas, kaakibat ang pagsasagasa ng neoliberalismo at ng mga hakbangin nitong tumungkab sa mga karapatan at yumurak sa kagalingan ng mga manggagawa. Nagsasabwatan ang malalaking kapitalista, ang militar at iba’t ibang ahensya ng estado sa pagsupil sa mga manggagawa. Daan-daan ang biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, pagdukot at pagwala, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pagkukulong, tortyur at iba pang anyo ng paglabag sa karapatang-tao.
Isinabatas rin ng reaksyunaryong estado ang mga patakaran na ginawang mahirap ang pag-oorganisa sa mga manggagawa, laluna sa mga manggagawang kontraktwal, na inieempleyo ng mga “labor agency.” Samutsari rin ang pinagtibay na patakaran na nag-aalis ng talim ng sandata ng welga, kabilang ang “assumption of jurisdication,” “strike vote,” “notice of strike” at pagtatakda ng napakaraming proseso at rekisitong ligal. Mistulang sinasabihan ang mga manggagawa na “magpaalam muna” bago magwelga upang ipagkait ang bisa nito sa pakikibaka para sa kanilang interes.
Bilang mga Pilipino, dinaranas ng mga manggagawa ang pambansang pang-aapi ng imperyalismong US, na lalong tumitindi ngayon sa harap ng pagsisikap nitong igiit ang kapangyarihan nito sa buong mundo. Partikular dito sa Asia-Pacific, inilipat ng imperyalismong US ang kanyang napakalaking pwersang militar para palibutan at “pigilin ang paglago” ng karibal nitong China, at kinakaladkad at ginagamit ang Pilipinas sa pang-uupat at paghahanda nito ng gera. Niyuyurakan ng imperyalismong US ang kasarinlan ng bansa sa pagtatayo ng mga base militar para magsilbing pahingahan at aliwan ng daan-daan o ilanlibong tropang Amerikano na iniistasyon sa Pilipinas. Naglalagak dito ang US ng mga barkong pandigma, mga jetfighter, drone, mga misayl at iba’t ibang sandata at ginagawang lunsaran ang Pilipinas sa pagsasagawa ng mga gera nito sa ibayong-dagat.
Hinihingi ng panahon at ng kalagayan na magkaisa at kumilos ang mga manggagawang Pilipino, para magsilbing matibay na gulugod, malawak na pwersa at pinuno sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Kailangang kailangan ngayon na maramihang itayo, palakasin at palawakin ang kanilang mga tunay, palaban at makabayang unyon. Maitatayo rin kasabay nito ang mga samahang masang kababaihan at kabataang manggagawa, o mga samahang demokratiko at anti-imperyalista.
Kailangang aktibong talikdan ng kilusang manggagawa ang ligalismo at konserbatismo na nakapagpahina sa pagsisikap na pandayin ang solidong lakas ng mga manggagawa. Hindi dapat magpatali sa mga itinakdang depinisyon ng batas na sumasagka sa pagpapalawak at pagpapalakas ng mga unyon.
Kailangang hasain ng mga manggagawang Pilipino ang welga bilang sandata, hindi lamang sa pagsusulong ng mga pakikibakang unyon, kundi sa pagsusulong ng pakikibaka ng bayan para sa kanilang pambansa at demokratikong mga kahingian.
Puspusang itatag at palakasin ang solidong organisadong lakas ng mga manggagawa upang magampanan ng kilusang manggagawa ang nangungunang papel at pagiging gulugod ng kabuuang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran alinsunod sa linyang anti-imperyalista, anti-pasista at anti-pyudal.
Dapat isulong ang militanteng mga pakikibakang unyon para ipaglaban ang nakabubuhay na sahod, at ipagtanggol ang demokratikong interes at kapakanan ng mga manggagawa laban sa palala nang palalang mga anyo na pang-aapi at pagsasamantala. Dapat mahigpit na hawakan at gamitin ng mga manggagawa ang welga bilang sandata ng paglaban. Itatag ang mga konseho ng mga manggagawa ng mga unyon sa mga engklabo o magkakalapit na pabrika at samahang manggagawa sa mga komunidad, upang palakasin ang koordinasyon at tulungan ng mga manggagawa at pagtipon ng suporta mula sa mga komunidad at ng iba pang mga sektor.
Kasabay ng kanilang mga pakikibakang unyon, dapat itaas ang pampulitikang kamulatan ng masang manggagawa, at ituon ang sama-sama nilang pagkilos sa paglantad at paglaban sa anti-manggagawa, anti-mahirap, pasista at makadayuhang mga patakaran at programa ng naghaharing rehimeng US-Marcos.
Dapat ilagay ng mga manggagawang Pilipino ang kanilang hanay sa unahan ng mga pakikibakang bayan para itulak ang pagtataas ng minimum na sahod at sweldo ng mga kawani, laban sa korapsyon ng naghaharing rehimen, laban sa pasistang mga krimen, laban sa walang awat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, laban sa walang pakundangang importasyon ng bigas, laban sa Balikatan at mga war games na pang-uupat ng gera ng US, laban sa pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa kanyang imperyalistang amo, gayundin, sa pakikiisa sa mamamayang Palestino laban sa henosidyo ng Zionistang estado ng Israel. Dapat paalingawngawin ng mga manggagawa ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at ang sigaw para sa pambansang demokrasya.
Ibayong palakasin at palawakin ang pag-oorganisa at pamumuno ng Partido sa mga unyon at rebolusyonaryong kilusang manggagawa. Dapat puspusang isagawa ang kilusang pagwawasto upang ituwid ang mga naging kahinaan at pagkakamali sa nakaraan.
Palakasin, palawakin at paramihin ang mga sangay ng Partido sa mga pagawaan at lugar ng pagtatrabaho at paninirikan ng mga manggagawa. Malawakang ituro at palaganapin ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang ideolohiya ng mga manggagawa at sandata nila sa paglaban.
Paramihan ang mga rebolusyonaryong unyon na aktibong nag-aambag sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang mga ito ang bumubuo ng Revolutionary Council of Trade Unions. Buklurin ang mga abanteng aktibistang manggagawa sa Pulang Brigada ng mga Manggagawa upang aktibong palahukin sila sa rebolusyonaryong propaganda at pagsuporta sa armadong pakikibaka.
Hikayatin, magpalitaw at magsanay ng mga kadreng magsisilbing propesyunal na rebolusyonaryong mag-uukol ng kanilang buong-panahon sa matiyagang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga manggagawa.
Palaganapin ang pag-aaral sa Konstitusyon ng Partido at ang Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan, upang ituro sa mga masang manggagawa na ang pinakasolusyon sa paghihirap at pagdurusa ng bayan ay ang pagwawakas sa malakolonyal at malapyudal na sistema. Dapat ipakita sa kanila na habang mahalaga ang welga at iba pang anyo ng sama-samang pagkilos para ipaglaban ang interes at kapakanan ng mga manggagawa at bayan, kailangan ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng paglaban upang ibagsak ang mga naghaharing uri at ang kanilang kapangyarihang nakabatay sa armadong panunupil sa bayan.
Panawagan ng Partido sa kasalukuyang henerasyon ng mga manggagawa, laluna ang mga kabataang manggagawa, na magtungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, bilang pangunahing pagbibigay-anyo sa saligang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, na silang bumubuo ng mayorya ng sambayanang Pilipino. Ang maramihang paglahok at pamumuno ng uring manggagawa sa digmang bayan ay napakahalaga sa pagsisikap na palakasin ang kakayahan ng BHB na baha-bahaging durugin ang kaaway, at antas-antas na itayo ang demokratikong gubyernong bayan.
Bilang pinakaabanteng uri sa lipunang Pilipino, pangkasaysayang tungkulin ng uring manggagawa na mamuno sa pambansang demokratikong rebolusyon para kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya. Ang tungkuling ito ng pamumuno ay isinasabalikat ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang partido at abanteng destakamento ng uring manggagawa sa Pilipinas.
Sa pamumuno ng Partido, determinado ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino na ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon, at tuluy-tuloy na bagtasin ang landas tungo sa sosyalistang hinaharap.
The post Pag-alabin ang rebolusyonaryong diwa ng kilusang manggagawa sa Pilipinas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.