Taas kamaong pagpupugay ang pinaaabot ng Artista at Manunulat ng Sambayanan Balangay Ka Soral Malaya (Armas-KSM) sa pagpanaw ni Ka Louie Jalandoni, tagapangulo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel. Isang bayani ng mamamayang Pilipino at huwarang rebolusyonaryo. Lubos ang paghanga at pagdakila ng mga kasama kay Ka Louie.
Para sa aming pangkulturang hanay, isang balon ng mahahalgang aral ang binahagi ni Ka Louie sa kaniyang buhay at pakikibaka. Mula sa isang prominenteng pamilya sa Negros at nakapag-aral sa De La Salle University hindi lingid kay Ka Louie ang karangyaan ng kaniyang kinalakihang buhay. Sa maagang bahagi, pagkabagabag sa inhustisya at hindi pagkakapantay-pantay ang naging sulo ng kaniyang diwang makamasa. Isang pakiramdam na una niyang tinugunan sa pagpasok sa San Carlos Seminary upang maging pari at maglingkod sa simbahan. Naging hitik sa kontradiksyon ang kaniyang buhay. Isang tagapagmana ng malawak na lupain sa isang banda, sa kabila isang masugid na tagapaglingkod sa mga komunidad bilang pari. Sa kaniyang relihiyosong landas tiniyak niya ang pagpapalalim ng kaniyang pag-unawa sa masa sa pana-panahong pakikipamuhay sa mga magsasaka. Naging bahagi siya ng mga suportang hatid ng simbahan sa pagoorganisa ng mga unyon ng mga manggagawa at sa mga pag-aaral ng politika at karapatang pantao. Sa paglakas ng kilusang masa, kinalaunan ay nahanap niya ang kaniyang sarili na kahanay na ng mga magsasaka sa Negros. Lumalim ang kaniyang pag-unawa sa lipunan at rebolsuyon, tinalikuran ang kaniyang uring pinagmulan at naging bahagi ng pagkakatatag ng Christians for National Liberation (CNL) at naging kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP). Sa pagbabago ng kaniyang sarili yinakap niya ang dedikasyon na baguhin din ang lipunang kaniyang ginagalawan.
Bahagi ng matatag na paninindigan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, kasama si Ka Louie sa pagsuwag sa mga paglaganap at pagtatakip ng mga krimen ng rebisyonismo. Siya ay nanidigan sa mga prinsipyo ng rebolusyonaryong kilusan. Bilang parte ng NDFP sa usapang pangkapaypaan, mahigpit na tinanganan ni Ka Louie ang interes ng mamamayan. Bagamat isang malumanay na diplomatiko hindi natinag ang kaniyang pagsusulong ng tunay na kapayapaan sa harap ng reaksyonaryong gobyerno.
Ang buhay at pakikibaka ni Ka Louie ay nagpakita sa atin ng dedikasyon sa pagrerebolusyon sa harap ng mga kontradiksyon. Nararapat lamang na sa alaala ng yumaong kasama ay paigtingin pa ang rebolusyong pangkultura upang tumatag pa ang ating mga prinsipyo sa pagharap sa mga pagsubok. Sa diwang ito—sunggaban ang pagpapasya, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at patuloy na ipagtanggol ang mga karapatan ng mamamayan. Sa kanyang pagpanaw, bitbit ng buong balangay Armas-KSM ang diwang iniwan ni Ka Louie para makamtan ang makatarungan at tunay na kapayapaan, dito sa ating bayan hanggang sa buong daigdig.
Mabuhay si Ka Louie Jalandoni!
Mabuhay ang Pambansa Demokratikong Pakikibaka!