Organisador ng katutubo at magsasaka sa Southern Tagalog, nakalaya makalipas ang 6 na taon

Nakalaya noong nakaraang linggo ang bilanggong pulitikal na si Rey Irvine Malaborbor, organisador ng mga magsasaka at katutubo sa Southern Tagalog. Matatandaang dapat lalaya na siya noong Hunyo 23 ngunit hinarang ng mga tauhan ng Metro Manila District Jail Annex 4 (MMDJ4).

Si Malaborbor ay dinakip ng 76th IB noong Hulyo 27, 2019 sa Santa Cruz, Occidental Mindoro. Inakusahan siya ng militar na myembro ng Bagong Hukbong Bayan. Sinampahan siya ng patung-patong na mga kasong kriminal sa Mindoro, Quezon, at sa Taguig City.

Si Malaborbor ay anak ng lider-manggagawa sa Laguna na si Reynaldo “Rey” Malaborbor. Ang kanyang ama ay nagsilbing tagapagtatag ng Alyansa ng Manggagawa sa Probinsya ng Laguna at naging beteranong organisador din sa hanay ng magbubukid sa ilalim ng Pagkakaisa’t Ugnayan ng mga Magbubukid sa Laguna.

Noong 2010, isa ang kanyang ama sa tatlong aktibsitang inaresto ng rehimeng US-Aquino II sa Lumban, Laguna at limang taon na ikinulong. Pinaslang siya ng rehimeng US-Duterte noong Nobyembre 2019 habang pauwi sa kanilang bahay.

Ayon sa Karapatan-Laguna, ang pag-aresto kay Rey Irvine ay bahagi ng malawakang kampanya ni Duterte para supilin at gawing kriminal ang aktibismo at pakikibaka para sa karapatan.

Anang grupo, ninakaw ng estado ang anim na taon ng buhay ni Malaborbor dahil sa kanyang paninindigan na tulungan ang mga magsasaka ng Mindoro na nakakaranas ng pagpapalit-gamit ng lupa, militarisasyon, at pagwasak ng kalikasan dahil sa pagmimina at iba pang mga proyekto.

“Pero sa huli, nanaig ang hustisya’t katotohanan at tagumpay na naibasura ang lahat ng mga kaso laban sa kanya,” pahayag ng Karapatan-Laguna. Gayunman, mahigpit na naninindigan ang grupo na hindi dapat kinulong si Malaborbor, mula’t sapul.

“Walang batayan ang kanyang pag-aresto. Pinakita lamang ng paglaya niya kung gaano kabulok at walang-kwenta ang mga taktika ng estado laban sa mga aktibista. Maging sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr, nakita natin na bulok at walang tuntungan ang pasistang panunupil nito,” anang grupo.

Kasunod ng paglaya ni Malaborbor, muling nanawagan ang Karapatan-Laguna na palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa. Hindi bababa sa 745 ang bilang ng bilanggong pulitikal sa buong bansa kung saan higti 90 ang nasa Southern Tagalog.

Source link