Ang Bayan Ngayon » Organisador ng grupo ng kabataan, ginigipit ng PNP-CIDG

Isang organisador ng grupo ng mga kabataan na Kalayaan Kontra Korapsyon (KKK) ang nakatanggap ng subpoena mula sa Philippine National Police-Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay ng sinasabing pagkakasangkot at pamumuno sa protestang kontra-korapsyon at komprontasyon na naganap sa Mendiola at Recto sa Maynila noong Setyembre 21. Ipinatatawag ng mga pulis si Aldrin Kitsune, estudyante ng De La Salle-College of St. Benilde, para ipailalim sa “imbestigasyon” kaugnay ng naturang protesta.

Liban sa paglahok sa mismong protesta, kumuha ng mga bidyo at larawan si Kitsune sa naganap na pagkilos na kanyang inilabas sa social media. Nakita sa mga ito ang brutal at marahas na tugon ng mga pulis sa mga kabataan, taliwas sa mga pahayag ng rehimeng Marcos at lokal na gubyerno ng Maynila sa pangunguna ni Isko Moreno.

Naniniwala ang mga progresibong grupo na tinarget ng subpoena si Kitsune dahil sa kanyang mga larawan at bidyo na naglantad sa katotohanan. “Masakit isipin na mas mabilis pa silang [mga pulis] kumilos laban sa mga nagpoprotesta kaysa sa mga nagnanakaw at nagpapahirap sa sambayanan,” pahayag ni Kitsune sa kanyang Facebook.

Ikalawa na si Kitsune sa mga naiulat na nakatanggap ng subpoena mula sa mga pulis. Pinadalhan din ng subpoena ang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines-Manila at mamamahayag pangkampus ng The Catalyst na si Jacob Baluyot noong Oktubre 7. Inatasan si Baluyot ng PNP-CIDG na pumunta sa Camp Crame sa Quezon City sa Oktubre 10, na kanyang mariing tinanggihan ayon na rin sa kanyang mga abugado mula sa Public Interest Law Center (PILC).

Kinundena rin ng Kabataan Party-list ang pagpapatawag ng mga pulis sa dalawa. “Mga taktika ito ng PNP upang takutin ang taumbayang nakikibaka,” pahayag ani Kabataan Rep. Renee Co stated. Dagdag pa niya, mayroon din silang natanggap na balita na mayroong mga aktibista at indibidwal sa X (dating Twitter) na inireport at pinatatanggap ng PNP-CIDG sa ang kanilang mga ibinahaging balita at bidyo hinggil sa naganap na karahasan noong Setyembre 21.

“Malinaw na ito ay pasismo ng estado. Habang nakikibaka ang mamamayang galit na sa korapsyon, pinapatahimik pa nila tayo. Mabilis silang manglitis ng taumbayang inosente pero matagal silang manglitis ng mga korap na nagkasala,” dagdag ni Co.

Nanawagan si Co at ang Kabataan Party-list na dapat ipagpatuloy ng mga kabataan at estudyante ang kanilang pagtindig at pakikibaka bilang tugon sa panunupil ng rehimeng Marcos. “Kung sa tingin nila ay pwede nila tayong takutin at patahimikin, ang hamon sa ating pag-asa ng bayan ay ipakita natin na hinding-hindi tayo magagapi,” pahayag pa ni Co.

Source link