Operasyon ng mapangwasak na kwari sa Himamaylan City, pinaralisa ng BHB

Naglunsad ng aksyong pamarusa ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command) laban sa mapangwasak na operasyong kwari sa Sityo Medel, Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental noong Hulyo 4. Pinaralisa at sinunog ng Pulang hukbo ang dalawang dump truck at isang backhoe.

Ang mga kagamitang pangkwari ay pag-aari ng negosyo ng kapitan ng Barangay Carabalan na si Mildred Titular. Tinatayang ₱11 milyon ang kabuuang danyos sa tatlong kagamitan sa pagkukwari.

Ayon kay Ka Dioneso Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-South Central Negros, matagal nang problema at inirereklamo ng mga residente ang operasyong kwari dahil sa epekto nito sa Paniplan River. Paliwanag niya, dahil sa taun-taong paghuhukay sa lugar ay lumalim ang ilog na dahilan ng pagkawala ng patubig para sa mga taniman sa paligid.

Lubhang apektado umano ng operasyong kwari ang buhay at kabuhayan ng mga residente. Dagdag pa rito na nagiging mapanganib ang pagtawid ng mga residente sa ilog dahil sa paglalim ng tubig.

Matatandaan na noong 2021 ay pinilit ng kumpanya sa pagkukwari ang mga residente ng lugar na pumirma sa isang “Free, Prior and Informed Consent” o FPIC para maisagawa ang operasyon. Ginamit sa panahong iyon ang 94th IB para takutin ang mga residente, nagpamudmod ng suhold na pera, at iba pang taktika ng panghahati para lumusot ang operasyon.

“Ang aksyong ito ng BHB-South Central Negros ay nagsisilbing paalaala sa mga kumpanya at indibidwal na huwag tapakan ang karapatang-tao at kabuhayan ng mga mamamayan sa ngalan ng kita,” ayon kay Ka Dionesio. Babala rin umano ito na hindi mag-aatubili ang hukbong bayan na ipagtanggol ang mamamayan at kalikasan laban sa mga kwari, mina at mapangwasak na proyekto.

“Ang nakatindig na Pulang kapangyarihan sa kabundukan ay palaging tumitindig para sa hustisya para sa mga biktima ng pang-aabuso at panlilinlang,” pahayag ni Ka Dionesio.

Samantala, naiulat ang pagdagsa ng tropa ng 94th IB sa Barangay Carabalan kasunod ng operasyong pamamarusa ng hukbong bayan. Malinaw na tagapagtanggol ang mersenaryong hukbog ng interes ng mapangwasak na kwari, mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at mga burukratang kapitalista.

Source link