OP-OD, isinagawa ng mga grupong rebolusyonaryo

Ilang araw bago at pagkatapos ng reaksyunaryong eleksyon noong Mayo 12, nagsagawa ng operasyon pinta-operasyon dikit (OP-OD) ang iba’t ibang organisasyong alyado ng National Democratic Front (NDF) para ilantad ang kabulukan nito. Pangunahing mensahe sa mga OP-OD ang pagtatampok na ang rebolusyon ang tunay na solusyon na siyang maghahatid ng tunay pagbabagong panlipunan sa bansa, hindi ang reaksyunaryong eleksyon.

Litaw na litaw ang elektronikong pandaraya at iba pang tipo ng anomalya para pumabor sa mga kinatawan ng mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at ng imperyalistang US. Lalong nalantad ng katatapos na eleksyon ang pagkabangkarote at pagiging huwad ng naturang “demokratikong proseso.”

Nanawagan sila sa mamamayan na tumungo sa kanayunan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at isulong ang digmang bayan.

Inilunsad ang mga aktibidad ng Kabataang Makabayan, Artista at Manunulat ng Sambayanan, Liga ng Agham para sa Bayan, Katipunan ng mga Samahang Manggagawa at panrehiyong balangay ng NDF. Isinagawa nila ito sa Polytechnic University of the Philippines-Sta. Mesa, University of the Philippines (UP)-Los Baños, UP Manila, sa mga kalye ng Maynila, Baguio City, Rizal at Quezon.

Source link