Kinundena ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang pagpataw ng sangsyon o parusa ng US sa apat na hukom ng International Criminal Court (ICC). Ang apat na hukom ng korte ay sina ICC Vice President Reine Adelaide Sophie Alapini Gansou na mula sa Benin; Judge Solomy Balungi Bossa na mula sa Uganda; Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza na mula sa Peru at Judge Beti Hohler na galing sa Slovenia.
Anito, partikular silang tinarget dahil sa kanilang mga desisyon sa krimen sa gera na imbwelto ang US at mga alyado nito. Si Judge Alapini-Hansou ay isa sa mga hukom na nakaupo sa pre-trial chamber ni Rodrigo Dutterte, siya rin ang nag-apruba sa paglabas ng mga warrant of arrest para kina Benjamin Netanyahu, Prime Minister ng Israel at Yoav Gallant, dating Minister of Defense ng bansa.
“Ang mga sangsyon laban sa [mga] upisyal ng ICC ay pinahintulutan ni Donald Trump sa pamamagitan ng Executive Order No. 14203, na may potensyal na maapektuhan ang libu-libong mga indibidwal na nagtatrabaho o nakikipagtulungan sa korte. Kabilang dito ang mga tao na nagtatrabaho sa kaso ni Duterte—mga tagausig, imbestigador, abugado, mga saksi at iba pa. Hindi na sila maaring makabyahe sa US o mangasiwa ng ari-arian doon. Sa pinakasimpley, ito ay nakakaabala, at sa pinakamalala ay nakagagambala at nakahahadlang,” pahayag ng NUPL.
Matatandaang ibinalita noong Hunyo 5 ng US Department of State ang kanilang pagpataw ng sangsyon laban sa apat na kasalukuyang hukom na korte sa ICC dahil sa kanilang imbestigasyon sa mga kasong isinampa laban sa US at Israel.
Ayon sa State Department, sina Bossa at Ibáñez Carranza ay pinatawan ng sangsyon dahil sa kanilang utos na buksan muli ang kaso ng krimen sa digma ng mga tropang Amerikano sa Afghanistan, habang si Alapini at Hohler ay pinatawan ng sangsyon dahil sa pagpahintulot sa ICC na maglabas ng warrant of arrest laban kay Netanyahu at Gallant.
Una nang tinarget ng estado ng US si Kharim Khan, chief prosecutor ng ICC, noong Pebrero kung saan inilagay siya sa listahan ng “Specially Designated Nationals and Blocked Person” na nagbabawal sa kanya na pumasok sa US at makipag-ugnayan sa anumang negosyong Amerikano.
Ikinalungkot ng International Criminal Court (ICC) ang pagpataw ng sangsyon laban sa apat na hukom.
Anito, ang pagtarget sa mga nagtatrabago para sa pananagutan ay “hindi nakatutulong sa mga sibilyan na naiipit sa labanan.” Pinapalakas lamang nito ang loob ng mga naniniwala na maari silang kumilos nang walang pananagutan.
Ang mga sangsyon na ito ay hindi lamang nakatuon sa mga indibidwal, kundi pati sa mga sumusuporta sa korte, kabilang ang mga mamamayan at korporasyon ng mga kasaping bansang nito. “Nakatuon din ito sa mga inosenteng sibilyan…at gayundin sa alituntunin ng batas, kapayapaan, at pagpigil sa pinakamalalalang krimen laban sa sangkatauhan,” pahayag ng ICC.
Kinundena naman ni Volker Türk, United Nations High Commissioner for Human Rights, ang pagpataw ng sangsyon ng US laban sa apat na hukom.
“Ako ay lubos na nababahala sa desisyon ng gubyerno ng US na magpataw ng sangsyon sa mga hukom ng ICC. Ang pag-atake sa mga hukom dahil sa paggampan nila sa kanilang hudisyal na tungkulin, sa nasyunal o internasyunal na antas, ay direktang kumukontra sa pagrespeto sa alituntunin sa batas at kapantay na proteksyon ng batas,” pahayag ni Türk.
Nanawagan siya para sa agarang pagkunsidera at pagbawi ng sangsyon.