Ang Bayan Ngayon » NPU Bill, muling naipabasura ng mga estudyante at komunidad ng PUP

Iniaunsyo ng Malacañang noong Hulyo 11 ang pag-veto ni Ferdinand Marcos Jr sa National Polytechnic University (NPU) Bill na magbibigay sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) at administrasyon nito ng mas malaking awtonomiya. Simula nang ipinanukala ito ng mga kongresista at senador, mahigpit itong tinutulan at nilabanan ng mga estudyante at komunidad ng PUP.

Ayon sa mga progresibong grupo sa PUP, higit na ibubukas ng NPU Bill ang unibersidad sa komersyalisasyon at pribatisasyon. Anila, ibubunga nito ang higit pang pagtalikod ng estado sa tungkuling pondohan ang mga pampublikong unibersidad.

Matagal nang isinusulong ng estado ang naturang panukala. Sa katunayan, umabot na ang naunang bersyon sa upisina ng pangulo noong 2019 ngunit naibasura ito. Isinumite ng House of Representatives at Senado noong Hunyo 9 ang bersyon ng panukala na umabot kay Marcos Jr at inaasahang maging batas kung hindi pinirmahan noong Hulyo 9.

Sa pahayag ng Anakbayan-PUP, itinuring nilang isang tagumpay ng komunidad ng PUP ang pagbasura sa panukalang batas. “Ito ay malaking tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga iskolar ng bayan, kasama ang komunidad ng PUP,” anang grupo.

Sa harap ng mga inilalako ng panukalang batas na huwad na pag-unlad, nanatiling kritikal at naninindigan ang mga iskolar ng bayan na hindi NPU Bill ang sagot sa lumalalang krisis sa edukasyon.

Gayunman, ipinahayag ng Anakbayan-PUP na ang pag-veto ni Marcos sa panukala ay hindi nangangahulugan na ligtas na ang unibersidad sa banta ng komersyalisasyon. “Hangga’t nananatili na neoliberal ang itsura ng ating edukasyon, patuloy na itatratong tila kalakal ang edukasyon,” anang grupo.

Dagdag pa ng grupo, “hindi man sa porma ng NPU Bill [ay] binebenta pa rin ang ating mga pangarap sa mga ganid na kapitalista sa pamamagitan ng matataas na gastusin sa pag-aaral, bulok na pasilidad sa mga pampublikong paaralan, at kulang-kulang na materyales sa pagkatuto.”

Kasama ang iba pang mga organisasyon sa PUP, nangako ang Anakbayan-PUP na patuloy nilang sisingilin ang rehimeng US-Marcos-Duterte sa patuloy nitong panggigipit sa mga kabataan para makamit ang karapatan sa dekalidad na edukasyon.

Noong Hulyo 10 ay nagkasa ng protesta ang komunidad ng PUP sa kampus sa Sta. Mesa at sa Mendiola para batikusin ang NPU Bill. Ipinanawagan din nila ang 100% badyet para sa unibersidad.

Source link