NPA, magbibigay ng Pulang saludo kay Ka Louie Jalandoni sa Hunyo 12

Ipinag-utos ngayong araw ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa New People’s Army na ibigay ang Pulang saludo nito sa Hunyo 12 kay Ka Luis G. Jalandoni, dating pinunong negosyador ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), bilang “pagbigay-parangal sa kanya bilang bayani ng sambayanang Pilipino.”

Ayon kay CPP chief information officer Marco L. Valbuena, batay sa mga tagubilin ng Komite Sentral, lahat ng yunit ng NPA ay magtitipon sa pagputok ng araw sa Hunyo 12, magpopormasyon at isasagawa ang tahimik na 21-gun salute. Babasahin sa pagtitipon ang mensahe ng Komite Sentral na nagbibigay pugay kay Ka Louie.

“Bilang pagkilala sa natatangi at malalaking ambag ni Ka Louie sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino, ibigay natin sa kanya ang ating pinakamatikas na Pulang saludo, at ipagdiwang natin ang kanyang katangi-tanging buhay,” ayon sa Komite Sentral.

“Ipinamalas ni Ka Louie ang hindi natitinag na paninindigan para sa rebolusyonaryong adhikain ng bayan. Hanggang sa huli niyang hininga, nagmartsa siya kahanay ng sambayanan sa mga pakikibaka nila para sa pambansa at panlipunang paglaya. Iwinaksi ni Ka Louie ang lahat ng personal at materyal na interes at ibinigay ang lahat para sa kapakanan ng masa,” dagdag ng Komite Sentral.

“Itinakwil na Ka Louie ang mga iskema ng reaksyunaryong gubyerno na hati-hatiin ang bayan at isuko nila ang kanilang mga adhikain, sa pamamagitan ng pag-akit sa personal na interes at ambisyon. Tularan natin si Ka Louie sa kanyang walang-hanggang rebolusyonaryong paninindigan.”

Source link