Ang Bayan Ngayon » Namartir na lider-rebolusyonaryo sa Panay, pinarangalan ng Komiteng Rehiyon ng PKP

Pinagpugayan ng Komiteng Rehiyon sa Panay ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang isa sa mga itinatanging lider ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na si Roberto Moises Cabales (Kasamang William) na sadyang pinatay ng militar at pulis noong Oktubre 5 ng gabi sa Barangay Coto, Lambunao, Iloilo. Pinalalabas ng mga pwersa ng estado na nanlaban si Cabales at kasama niyang si Mateo Suarez (Kasamang Badong) habang inihahain sa kanila ang isang mandaymento de aresto.

“Ang rebolusyonaryong pwersa at mas malawak na masa ng Panay, ay malalim na nagdadalamhati at lubos ang pagpapasya na kamtin ang rebolusyonaryo hustisya sa patraydor na pagpaslang kina Kasamang William at Kasamang Badong,” pahayag ng Komiteng Rehiyon.

Sa ulat na nakalap ng komite, higit 10 sasakyan na puno ng mga pulis at militar ang nagsagawa ng operasyon laban sa dalawa. Imbwelto sa krimen sa digma ang pinagsamang pwersa ng 301st Bgde sa ilalim ni Nhel Richard Patricio at Philippine National Police (PNP)-Iloilo sa ilalim ni Bayani Razalan.

Ayon sa mga kapitbahay, tatlong putok lamang ng baril ang narinig nila mula sa bahay ni Suarez. Pagkatapos nito, nagpalabas ang armadong mga pwersa ng estado na isinakay sa ambulansya at isinugod sa ospital ang mga biktima. Dead on arrival ang dalawa sa ospital.

“Isa sa mga itinatangi na lider ang Kasamang William ng PKP at Bagong Hukbong Bayan,” ayon sa Komiteng Rehiyon.

Sa kanyang kabataan, nag-aral para maging duktor si Cabales. “Ang kanyang pagsasanay sa kanluranin, silangan at tradisyunal na medisina ay kanyang pinagsanib upang mapaunlad ang paggamot sa masang kalakhan ay pinagkaitan ng nararapat na serbisyong medikal,” dagdag ng komite.

Paliwanag ng pamunuan ng PKP sa rehiyon, ang hangarin ni Cabales na maging manggagamot ay naging udyok upang sumali sa kilusang maghihilom ng lipunang lugmok sa sakit ng katiwalain at kahirapan. Ilang dekada siyang nagsilbi sa masang Pilipino at naging katuwang ng Komiteng Rehiyon sa pamumuno sa rebolusyonaryong kilusan sa Panay.

Si Cabales ay naging isa ring bilanggong pulitikal noong 1999. Iaresto at ikinulong siya noong Hunyo 11, 1999 ng Military Intelligence Group (MIG) at nakalaya limang araw makalipas dahil sa maling pag-aresto. Noong Nobyembre 22 sa parehong taon, dinukot naman siya at kasamang si Ruben Saluta ng MIG at sikretong idinetine. Inilitaw lamang siya tatlong araw makalipas.

Samantala, si Suarez ay isang dating myembro ng hukbong bayan na nagpasyang umalis sa hukbo ilang taon na ang nakalipas dahil sa kalagayang pisikal. Matapos nito, nanatili siyang tapat at mataas ang hangaring makatulong at tumuwang sa rebolusyonaryong kilusan.

Nakulong rin si Suarez noong 2012 sa Capiz Rehabilitation Center. Nakalaya siya matapos ang dalawang taong detensyon nang ibasura ng isang korte ang isinampang mga kasong pagpatay at illegal possession of firearms laban sa kanya. Mula nang makalaya at nanirahan na siya sa Barangay Coto ngunit patuloy na ginipit ng militar at pinilit pang pumaloob sa programang “balik-loob” ng gubyerno.

Ayon sa Komiteng Rehiyon, sa harap ng karumal-dumal na krimen ng Armed Forces of the Philippines at PNP ay nararapat lamang na tumindig ang pamilya at mga kaibigan nina Cabales at Suarez para papanagutin ang mga salarin at sangkot. Gayunman, batid ng komite na ang tunay na hustisya ay hindi lubos na makakamit sa ilalim ng sistemang niyayanig ng katiwalian.

Roberto Cabales, Ka William sa rebolusyonaryong pwersa ng Panay.

Pagtindig ng pamilyang Cabales

Sa isang pahayag ng pamilya at kaanak ni Cabales, nanindigan sila laban sa ipinalalaganap ng rehimeng Marcos na mga kasinungalingan at pagbibigay katwiran sa sadyang pagpatay sa dalawa. “Hindi kami papayag sa ipinalalaganap na kwento ng iba, lalo na ang mga paninira mula sa mga pumatay sa kanya, sa kung sino si Roberto Cabales,” anang pahayag.

Ayon sa pamilya, bagaman dumanas sila ng mga kahirapan at pagsubok dahil sa tinahak na rebolusyonaryong landas ng kanilang padre de pamilya ay parati silang titindig para rito, igagalang at hahangaan siya sa kanyang mga paninindigan. “Ibinibigay namin sa kanya ang aming pagmamahal at pinakamatatag na pagsaludo,” anila.

Para sa pamilya, siya ay isang mabuting lolo, ama, at mapagmahal na asawa. “Ito siya at marami pang iba, ganito siya at mananatiling ganito, ano pa man ang mga kasinungalingan at intrigang ipinalalaganap ng estado at bayaran nitong mga tagapagsalita para kontrolin ang naratibo at palabasing lehitimo ang pagpatay sa aming tatay,” ayon sa pamilya.

“Nagpasya ang aming tatay na hindi makapiling ang kanyang pamilya para ilaan ang kanyang buhay para isulong ang pagbabago, sa pakikiisa sa mga mahihirap at walang kapangyarihan,” anila. Ipinahayag ng pamilya ang ginhawang kanilang nadarama dahil sa pakikidalamhati ng marami pang ibang pingsilbihan at nakadaupang-palad ng kanilang ama. Nagpasalamat rin sila sa lahat ng mga tao na nagpatuloy at sumuporta sa kanilang ama sa pagtalunton niya sa rebolusyonaryong landas.

Nag-iwan rin ng hamon ang pamilya sa publiko bago maniwala sa mga sinasabi ng militar at pulis kaugnay ng pagpatay sa kanilang ama: makinig kayo sa balita at buksan ang inyong mga mata sa sistemikong korapsyon sa estado ng burukrasya, ang pagkakamal ng kita ng iilan mula sa pandarambong, ang dinaranas ng mga mahihirap sa panahon ng kalamidad at marami pang iba. “Pag-isipan ninyo. At pag-isipan niyong muli nang mabuti… hindi mali ang tatay namin,” anito.

Source link