Nakabubuhay na sahod, tamang oras na paggawa at karapatan ng mga manggagawa, panawagan ng mga mangagawang migrante sa Hong Kong

Sa paggunita ng International Domestic Workers’ Day noong Hulyo 16, muling inilunsad ng Asian Migrants Coordinating Body Hong Kong (AMCB-IMA-HKM) ang kampanyang 3W o laban para sa nakabubuhay na sahod (wage), tamang oras ng trabaho (working hours) at karapatan ng manggagawa (workers’ rights).

Sa buong mundo, pinagdiriwang taun-taon ang araw na ito tuwing Hunyo 16, bilang pagkilala ng International Labor Organization Domestic Workers Convention No. 189. Itinakda ng alintuntuning ito ang mga pamantayan sa paggawa sa buong mundo para sa mga domestic workers o kasambahay.

Ang Asian Migrants Coordinating Body Hong Kong (AMCB-IMA-HKM) ay koalisyon ng mga organisasyon ng mga migrante na nakabase sa Hong Kong. Ang mga myembro nito ay nagmula sa Pilipinas, Indonesia, Thailand, Nepal at Sri Lanka. Ang AMCB rin ang isa sa nagtatag ng International Migrants Alliance, isang alyansa ng iba’t ibang organisasyon ng mga migrante at refugee laban sa imperyalismo.

Mayroong mahigit 300,000 migranteng kasambahay sa Hong Kong. Mayorya sa kanila ay mula sa Indonesia at Pilpinas. Sila ang responsable sa pag-aalaga sa mga bata at matatanda, upang makapagtrabaho ang mga taga-Hong Kong nang hindi na inaalala ang kanilang pamilya. Sa kabila ng kanilang ambag, hindi kinikilala ang kanilang katayuan sa lipunan ng Hong Kong.

Batay sa mga kaso na nahawakan ng AMCB-IMA HKM ngayong taon, patuloy na lumalala ang mga kundisyon sa paggawa ng mga migranteng kasambahay. Mababa ang pagtingin sa kanila at binabayaran sila ng aliping-sahod.

Mula Enero hangang Hunyo 2025, nakatanggap ito ng mahigit 916 na reklamo mula sa mga migranteng kasambahay. Mayorya rito ay tungkol sa mahabang oras ng pagtatrabaho, kawalan ng regular na araw ng pahinga, at problema sa pagtatapos ng kontrata at matitirhan.

Sa mga migranteng nagsampa ng reklamo, 376 o 41% ay nagtatrabaho ng 11 hangang 16 oras. Nasa 11% sa kanila ay pinagtatrabaho nang mahigit 16 na oras. Sa kabila ng nakasaad sa kanilang mga kontrata na mayroon 24 oras para sa pahinga ang mga kasambahay, madalang itong ipinapatupad. Mahigit 11% ng mga migrante ay walang regular na araw ng pahinga.

Arbitraryo rin ang pagsisante sa mga kasambahay. Sa mga dumulog sa AMCB-IMA-HKM, 4% sa kanila ay sinisante nang wala pang anim na buwan. Ang 349 na umabot sa dulo ng kanilang kontrata ay malisyosong inakusahan ng “job hopping” o palipat-lipat ng trabaho, na mahigpit na ipinagbabawal sa Hong Kong.

Wala karapatan amga kasambahay na lumipat ng empleyo, kahit malala ang mga kundisyon sa paggawa o dumaranas sila ng abuso sa kanilang mga amo. Samantala, pwede silang palitan ng kanilang mga amo sa anumang dahilan.

Panawagan ng mga grupong migrante sa Hong Kong Central Government na ibigay sa mga kasambahay ang nakabubuhay na sahod na HK$6,172, ipatupad ang ILO Domestic Workers Convention (ILO C189) na kinikilala ang mga kasambahay bilang kapantay ng ibang sahurang manggagawa, at tiyakin ang katanggap-tanggap na minimum na pamantayan sa kundisyon ng paggawa.

Source link