Matapos ang dalawang taon, muli na namang magpapalit ng kumander ang 79th IB—ang batalyong nakatutok sa kampanyang kontra-insurhensya sa Northern Negros. Tulad ng target ng mga dating kumander ng batalyon na lansagin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at rebolusyonaryong kilusan sa erya, bigong bababa sa pwesto si Lt. Col. Arnel Calaoagan.
Naging kumander ng batalyon si Calaoagan noong Hunyo 29, 2023, kahalili ni Lt. Col. J-Jay Javines na dalawang taon din sa pwesto. Sa kanyang pagkakatalaga, nangako siya na ipagpapatuloy ang “tagumpay” ng mga dating kumander ng 79th IB.
Noong Abril 6, 2021, upisyal na idineklara ng batalyon at mas mataas na kumand nito na nabuwag na ang larangang gerilya sa Northern Negros. Kasunod nito at ng sinasabing pagkabuwag ng iba pang larangan sa isla, ipinailalim sa kategoryang state of stable internal peace and security (SIPS) ang isla ng Negros noong unang kwarto ng 2024.
Pagwawasto
Malayo sa kahibangan ni Calaoagan ang kalagayan ng rebolusyonaryong kilusan sa Northern Negros. Iniulat ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang mapagpasyang mga hakbang nito para pangibabawan ang mga kahinaan, iwasto ang mga pagkakamali at sumulong alinsunod sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas para sa kilusang pagwawasto.
Nagsikap ang Pulang hukbo para itaas ang kaalaman sa pakikidigmang gerilya sa pamamagitan ng pang-ideolohiyang mga pag-aaral. Nagkunot ng noo ang mga kumander at mandirigma para paunlarin ang paglalapat nito sa partikular na erya. Niresolba nila ang problema ng kusang pagpapakitid at pinaunlad ang kakayahan sa taktikang gerilya ng pagkokonsentra, paglilipat-lipat, dispersal at mabilis na pagkilos.
Ayon sa yunit, kahit sa harap ng pinakamatitinding operasyong kombat at focus military operation ng 79th IB sa larangang gerilya ay nagawa nitong panatilihin ang pwersa at naglunsad ng mga napapanahong kontra-kubkob na kampanya at palawakin ang erya ng operasyon.
Naisagawa ng BHB-Northern Negros sa panahon ni Calaoagan ang higit 20 opensibang operasyon na iba’t iba ang tipo at saklaw. Nasamsam nila sa mga operasyong ito ang limang mataas na kalibre ng armas, higit 10 mas mababang kalibreng armas at daan-daang bala at iba pang kagamitang pandigma.
Taliwas sa pinalalabas ni Calaoagan na paubos na ang BHB sa erya, naitala ng yunit ang 12% paglaki sa bilang ng pultaym na Pulang mandirigma. Napadami rin ng yunit nang halos 20% ang bilang ng milisyang bayan sa saklaw na erya.
Signipikante rin ang pagsulong ng baseng masa sa Northern Negros dahil sa mapangahas na pagtatayo ng paparaming komite sa pag-oorganisa para itatag ang mga ganap na samahang masa. Kumilos ang masa para sa mga dayalogo at pakikipag-alyansa sa mga upisyal ng barangay. Nanindigan sila at nakipag-komprontasyon sa militar para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.
Katuwang nito, mapanlikha at sikretong naisasagawa ang mga pag-aaral sa kurso ng Partido sa mismong tungki ng ilong ng kaaway. Dumarami ang mga kasapi ng Partido sa lokalidad na nakapagtatapos sa Batayang Kurso ng Partido.
“Ang hungkag na pahayag ni Calaoagan ng ‘estratehikong’ tagumpay…ay purong kathang-isip lamang. Aalis siya sa pwesto nang walang dalang tagumpay habang ang kilusang pagwawasto na pinasimulan ng Partido ay patuloy na nagpapalalim ng ugat sa Northern Negros,” ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros.
Ang tanging maipagmamalaki ni Calaoagan at ng 79th IB sa ilalim niya ay ang mahabang listahan ng mga paglabag sa karapatang-tao. Sa dalawang taon niyang panunungkulan, hindi bababa sa 49 na kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang isinagawa ng mga pwersa ng 79th IB sa Northern Negros. Biktima sa mga kasong ito ang higit 22,000 katao kabilang ang 5,000 bata.
Sa pag-alis ni Calaoagan sa 79th IB, inaasahang itatalaga siya sa mas mataas na pwesto sa dibisyon sa Negros. Dapat patuloy na magkaisa ang masang Negrosanon para ilantad at labanan si Calaoagan at mga berdugong tulad niya.