Ang Bayan Ulat sa Karapatang-tao (Disyembre 10, 2024-Hunyo 30, 2025)

Nagpapatuloy na karahasan ng rehimeng US-Marcos

 

Matapos ang tatlong taong madugong paghahari, higit pa ngayong pinababagsik ng rehimeng Marcos ang pasistang panunupil sa mamamayang Pilipino. Patuloy ang pagdanak ng dugo at ang pagdami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa ngalan ng kontra-insurhensya. Hibang nitong layuning puksain ang makabayan at demokratikong hangarin at pakikibaka ng sambayanang Pilipino, at wakasan ang kanilang rebolusyonaryong paglaban. Nagsisilbi ito sa interes ng dayuhang monopolyong kapitalista, malalaking burgesyang komprador, panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista.

Para ilarawan ang sidhi at lawak ng kalupitang ito ng rehimen, at paalingawngawin ang sigaw ng sambayanan para sa hustisya, inilalabas ng Ang Bayan (AB) ang ulat na ito hinggil sa kaliwa’t kanang mga pag-abuso at pagyurak ng mga armadong galamay ni Marcos sa mga karapatang-tao sa nagdaang anim na buwan (Enero hanggang Hunyo ngayong taon). Kinasasangkutan ito ng pasistang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), mga paramilitar at iba pang armadong ahente ng reaksyunaryong estado.

Halaw ang ulat na ito sa mga impormasyong binalita, tinipon at sinuri ng AB.

Dahil sa higit pang pinatinding panunupil na nagbunga ng kahirapan sa pagpapadala ng mga ulat, maraming kaso sa kanayunan ang hindi naitala. Maraming paglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Moro na hindi naisisiwalat sa publiko ang hindi naisama sa ulat na ito.

Ginamit ng AB sa ulat na ito ang internasyunal na pamantayan sa pagtaya ng bilang ng mga biktima ng ebakwasyon at militarisasyon, at sa bilang ng mga batang apektado.

Patakaran ng panunupil

Mayor na patakarang ipinatupad ng rehimeng Marcos ngayong unang bahagi ng 2025 ang National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) 2025-2028 sa Pilipinas. Ito ang naging balangkas ng pinatinding pampulitikang panunupil laban sa masang Pilipino. Noong nakaraang taon pa sinimulang ihanda ang naturang bagong-lumang patakaran.

Ang NAP-UPD ay upisyal na inaprubahan sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 83, series 2025 na inilabas ng Office of the President. Iniatas ng memorandum sa lahat ng ahensya ng gubyerno na ipatupad ang plano bilang bahagi ng “whole-of-nation” at “whole-of-society” approach sa “paglutas ng mga suliraning dulot ng rebolusyonaryong kilusan.” Ibinatay ang NAP-UPD sa National Security Policy 2023-2028 at Philippine Development Plan 2023-2028.

Tinagurian itong “estratehikong blueprint” o gabay upang puksain ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front sa 2028. Ang bagong patakaran ay pangunahing ipatutupad ng National Task Force-Elcac na binuo ng rehimeng Duterte.

Alinsunod sa patakarang ito, bweladong ipinatutupad ng AFP at PNP ang maruming todong-gera laban sa mamamayang Pilipino sa kalunsuran at kanayunan. Nagpapatuloy ang masidhing pasistang terorismo ng estado, paninikluhod sa imperyalismong US at pagsupil sa mga pwersang patriyotiko at demokratiko.

Sa kabila ng paulit-ulit na bukambibig ng US, AFP at ni Marcos kaugnay ng “pagpihit” ng armadong pwersa ng bansa mula “internal na depensa” tungong “eksternal na depensa” dahil “mahina na” o “nagapi na” ang BHB, nananatili ang kalakhan ng pwersa ng AFP sa kanayunan at mga larangang gerilya. Paulit-ulit ang pagtatambol nito na pitong mahihinang larangang gerilya na lamang ang natitira, pero libu-libong mga pwersang militar, pulis at paramilitar pa rin ang pinakikilos para sa kampanyang kontra-insurhensya.

Bahagi ng NAP-UPD, patuloy na kinakasangkapan ni Marcos ang Anti-Terrorism Law, na nasa ikalimang taon na, at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act para gipitin at patahimikin ang mga kritiko at nagsasalita laban sa kanyang rehimen, at maging ang ordinaryong mamamayan. Tinatarget ng rehimen ang binansagan nitong “mga ligal na prente ng CPP-NPA-NDFP” upang diumano’y “ihinto ang rekrutment, putulin ang suportang pampinansya at labanan ang propaganda.” Malawakang niyuyurakan nito ang karapatan sa pag-oorganisa ng mga sektor.

Sa kanayunan, patuloy na ipinaiilalim sa ibayong militarisasyon at okupasyon ang mga komunidad sa anyo ng mga focused military operation (FMO) at okupasyon ng mga baryo sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP). Sa mga operasyon nito, mga magsasakang sibilyan o hindi armado ang pangunahing tinatarget ng karahasang militar at panunupil. Kasabay nito ang walang pakundangang aerial bombing, istraping at panganganyon sa mga bukid at bundok na nagsasapeligro sa buhay ng mga sibilyan at sumisira sa kalikasan.

Kung saan higit na tumitindi ang pasistang terorismong militar, doon din inaasahan ang pagpasok ng malalaking negosyong mina, plantasyon, ekoturismo at iba pang tipo ng pandarambong sa kalikasan at pagpapalayas sa mga komunidad. Nagsisilbing paghahanda rin ang mga operasyong militar na ito para gawing “ligtas” ang ilang mga erya para sa mga war games ng US at Pilipinas.

Walang-tigil ang bweladong pagpapatupad ng NTF-Elcac sa programang “balik-loob” at panlalansi gamit ang pekeng amnestiya sa kanayunan. Karugtong ito ng kampanya ng intimidasyon, pwersahang “pagpapasurender” sa mga sibilyan at pangungurakot sa pondo ng bayan. Pinondohan ng rehimeng Marcos ang pagbubuo noong Abril ng samahan ng mga “dating rebelde” para gamitin laban sa mamamayang Pilipino.

Tulad sa huling tatlong taon sa poder, walang pakundangan ang paglabag ng rehimeng Marcos sa mga alituntunin sa digma, sa anyo ng sadyang pagpaslang sa mga sugatang mandirigma, pagpatay sa mga sibilyan sa mga “pekeng engkwentro” at pagpapahirap sa buu-buong komunidad kasabay ng mga operasyong pangkombat ng AFP.

Mga paglabag sa karapatang-tao

Sa talaan ng Ang Bayan, 180,074 ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos mula Disyembre 10, 2024 hanggang Hunyo 30 (203 araw). Naitala ng AB ang 239 kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao sa buong bansa.

Sa abereyds, hindi bababa sa tatlo ang biktima ng pampulitikang pamamaslang kada buwan. Dagdag dito, mayroon ding isang biktima ng pagdukot at dalawang biktima ng tortyur kada buwan. Sa nagdaang anim na buwan, pito ang biktima ng bigong pagpaslang ng mga pwersa ng estado.

Katulad sa nagdaang mga ulat, pinakamaraming biktima ang naitala sa hanay ng magsasaka (176,940), kasunod ang sektor ng mga bata (2,273) at maralitang tagalunsod (2,237).

Sa tatlong taon ng rehimeng Marcos sa poder, naitala ng AB ang 3,321 kabuuang bilang ng mga kaso kung saan hindi bababa sa 688,313 ang bilang ng mga biktima. Sa bilang ng mga biktima, aabot sa tantos na 628 kada araw ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa nagdaang tatlong taon ng rehimeng Marcos.

Pagpaslang, bigong pagpaslang at tortyur

Hindi bababa sa 24 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa sa nagdaang anim na buwan. Mayorya sa mga kaso ay naitala sa kasagsagan ng mga focused military operation (FMO) at RCSP ng mga sundalo at pulis sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo. Naitala ang mga pagpaslang sa Oriental Mindoro, Masbate, Negros Oriental at Occidental, Capiz, sa Samar, Northern Samar at Eastern Samar, Leyte, Agusan del sur, Surigao del Sur, at Sarangani.

Tulad sa nakaraan, pinalalabas ng AFP na napaslang sa “engkwentro” ang mga biktima. Para pagmukhaing napatay sa engkwentro, binibihisan pa, nilalagyan ng mga armas, bala at iba pang gamit militar ang kanilang mga bangkay, at inihahandusay sa kung saan-saan. Pinakakalat ng AFP ang gayong pekeng balita kahit pa mahigpit na pinabubulaanan ang mga ito ng pamilya, kapitbahay at maging ng mga upisyal ng lokal na konseho sa baryo.

Sa mga biktima, lima ang mga hors de combat (mga kombatant na wala nang kakayahang lumaban dahil sugatan o maysakit), at hindi kombatant o mga retirado ng rebolusyonaryong kilusan. Dinakip sila ng mga berdugong tauhan ng AFP at sadyang pinaslang, sa halip na ideklarang mga bihag ng digma o kasuhan sa kanilang korte. Bakas rin sa mga bangkay ang marka ng tortyur.

Mga kaso ng masaker. Naitala sa panahon na saklaw ng ulat ang tatlong kaso ng masaker: isang buong pamilya ang biktima sa isa, tatlong magsasaka sa isa pa, at ang ikatlo ay ang pagmasaker sa mga hors de combat.

Sa Agusan del Sur, walang-awang minasaker ng mga sundalo ng 26th IB ang pamilyang Gomansil sa Dayuman River, Barangay San Vicente (Balagnan), Esperanza noong Disyembre 15, 2024. Pinaslang ng mga berdugo ang mag-asawang si Toto at Toni Gomansil at ang kanilang anak na si Celine. Pinaratangan silang nakikipag-ugnayan sa BHB at rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya.

Bago ang krimen, nagpaalam pa ang pamilya Gomansil sa mga sundalong nakadeploy sa malapit na detatsment para mapahintulutan na magtrabaho sa kanilang sakahan. Sa kabila ng kanilang “pagpapaalam,” sinundan sila ng mga sundalo at iginapos ang mag-asawang Toto at Toni. Ipinailalim sila sa matinding interogasyon at ilang ulit na tinanong kung mayroong presensya ng BHB sa kanilang komunidad, na itinanggi ng mag-asawa. Hinahanap rin sa kanila ang asawa ni Celine na pinararatangan nilang isang mandirigma ng BHB.

Kasunod nito, sinaksak ng mga sundalo ang mag-asawa hanggang mamatay. Nakatakbo pa si Celine nang masaksihan ang pagpaslang sa kanyang mga magulang ngunit kaagad ring pinagbabaril ng mga sundalo. Nilapastangan at hinati pa ng mga ito ang bangkay ni Celine.

Sa Northern Samar, pinagbabaril hanggang mapatay ng mga sundalo ng 8th ID ang tatlong magsasaka sa Barangay Nagoocan, Catubig noong Hunyo 8. Pinalalabas ng militar na ang tatlo ay kabilang sa limang napaslang sa isang armadong engkwentro ng mga sundalo at BHB. Ang mga biktima ay kinilala na sina Noel Lebico Sr, Arnel Aquino at Nonoy Norcio.

Si Lebico ay residente ng Barangay Roxas sa Catubig, si Aquino ay mula sa Barangay Osmeña sa Palapag, habang si Norcio ay taga-Barangay Luneta, Gamay. Ang mga baryo at bayang kanilang tinitirahan ay nakapailalim sa de facto na batas militar mula pa noong 2020. Bago ang insidente, dati nang nakararanas ng panggigipit at kalupitang militar ang mga biktima.

Bago nito, tumangging pumaloob ang tatlo sa programa ng sapilitang pagpapasuko ng 8th ID.

Pagpatay sa menor-de-edad. Pinaslang ng 63rd IB ang 16-anyos na si Jayson Grafil Padullo sa walang patumanggang pamamaril noong Hunyo 15 sa Sityo Bagong Barrio, Barangay Pinanag-an, Borongan City, Eastern Samar. Mahigpit na pinatunayan ng mga ka-barangay ni Jayson sa Barangay Benowangan na siya ay isang sibilyan. Anila, kae-enrol lamang niya sa Grade 7 at nakatakda siyang pumasok ngayong Hunyo.

Nasa bukid sa labas ng sityo ang biktima kasama ang isa pang kabataan nang paputukan ng mga nag-ooperasyong sundalo. Namatay si Jason sa mga tama ng bala, habang nakatakbo at nakaligtas ang kanyang kasama.

Pagpaslang sa mga hors de combat. Walang pakundangan ang AFP at rehimeng Marcos sa paglapastangan sa mga alituntunin ng digma. Naitala sa mga prubinsya ng Negros Oriental at Occidental, at sa Leyte ang mga pagpaslang sa hors de combat.

Sa Negros Occidental, dinukot at sadyang pinaslang ng mga sundalo sina Nonoy Ponteras (Ka Jojo) at Marisa Pobresa (Ka Kim). Noong Marso 7, alas-8 ng gabi, dinukot ng mga operatiba ng Crime Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP) at mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sina Ponteras at Pobresa sa isang bahay sa Bacolod City. Pwersahan silang isinakay sa isang van at dinala sa hindi natukoy na lugar, kung saan sila tuluyang pinaslang.

Ang bangkay ng dalawa ay dinala ng mga berdugo ni Marcos sa Sityo Paraiso, Barangay Caduhaan, Cadiz City. Kasunod na araw, nagpakalat ng kasinungalingan ang mga lokal na tagapagsalita ng militar na napatay ang dalawa sa isang engkwentro lagpas ala-una ng umaga sa pagitan ng 79th IB at BHB.

Si Ponteras ay isa sa nangungunang upisyal ng NDF-Negros habang si Pobresa ay isa sa tagapangasiwa ng panrehiyong tanggapan ng NDF. Kabilang sa tungkulin ng dalawa ang makipagkonsultasyon sa mga manggagawa, magsasaka, manggagawang-bukid, mga maralita at iba pang aping sektor sa isla upang tulungan silang bigyang-boses ang kanilang mga daing at isulong ang kanilang mga pakikibaka.

Sa Leyte, pinaslang ng 93rd IB noong Hunyo 18 sa Barangay Cogon, Carigara ang hindi armado at walang kakayahang lumaban na tatlong myembro ng BHB. May sakit at nagpapagaling sina Juanito Selleca Jr (Ka Tibor/Ka Rey) at Sadam Paclita (Ka Dimple) nang salakayin at pagbabarilin ng mga sundalo. Pinaslang kasama nila si Lino Delante (Ka Dodong), isang medik na nag-aalaga sa mga pasyente.

Hindi noon armado ang mga kasapi ng BHB dahil sila ay mga pasyente. Sa pagpaslang, malinaw ang intensyon ng mga sundalo na patayin ang tatlo dahil kung gugustuhin ay kaya nilang dakpin ang mga ito at ituring na bihag ng digma.

Namatay dahil sa troma. Namatay ang ginang na si Lolita Reman sa Sityo Toril, Barangay Bandila, Toboso, Negros Occidental noong Mayo bunga ng labis na takot at troma sa mga operasyon ng 79th IB. Nireyd at niransak ng mga sundalo ang bahay na pag-aari ng pamilyang Mahusay kung nasaan ang ginang sa Sityo Toril noong Mayo 20, alas-5 ng umaga.

Isang katulad na insidente rin ang naganap sa Barangay Minapasok, Calatrava. Inatake ng stroke ang magsasakang si Boyet de Asis noong Mayo 23 dahil sa pagbabanta sa kanya ng pitong sundalo ng 79th IB at mga traydor sa rebolusyon.

Namatay sa detensyon. Namatay ang isang maysakit na bilanggong pulitikal mula sa Quezon noong Disyembre 25, 2024 dahil sa kriminal na kapabayaan ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City. Inatake ng stroke at namatay si Hilario de Roxas, isang magsasakang mula Catanauan, Quezon.

Si De Roxas ay isang senior citizen na may iniindang hypokalemia (kondisyon kung saan bumababa ang potassium sa katawan), pneumonia, at hypertension. Inaresto siya ng mga pulis at sundalo sa General Luna, Quezon, noong Pebrero 12, 2020 sa mga kasong kriminal.

Inilipat siya sa NBP noong Setyembre 30, 2024 mula sa pagkakakulong sa Gumaca District Jail at Quezon District Jail (QDJ) sa bayan ng Pagbilao. Habang nakapiit si de Roxas sa Quezon ay inatake na siya ng mild stroke at nagkaroon ng iba’t ibang komplikasyon sa kalusugan.

Naitala naman ng Ang Bayan ang pitong biktima ng bigong pagpaslang. Sangkot sa mga kasong ito ang mga nag-ooperasyong yunit ng militar, na sa takot maunahan, ay walang patumanggang namamaril sa sinumang nakakasalubong sa gubat o daan. Hindi naman bababa sa 23 ang dumanas ng tortyur sa kamay ng mga sundalo.

Pag-aresto, pagdukot, at pagbabanta, panggigipit, at intimidasyon

Nakapagtala ang AB ng 31 kaso ng arbitraryong pag-aresto at detensyon kung saan hindi bababa sa 73 ang biktima, na karamihan ay mga magsasaka. Sinampahan ang mga biktima ng iba’t ibang gawa-gawang mga kaso para matagalang ibimbin sa kulungan. Kabilang sa karaniwang mga kaso na isinampa sa kanila ang illegal possession of firearms and explosives, pagpaslang at bigong pagpaslang, terorismo at “terrorism financing.”

Ang iba sa kanila ay dumanas ng sadyang inantalang pagpoproseso ng mga papeles ng mga korte para hindi kaagad makalaya. Ang ilan pa, laluna sa mga nasa prubinsya, ay iligal na ikinukulong sa mga kampo militar nang walang utos ng korte at hindi pinahihintulutang mabisita ng pamilya.

Sa panahong nakakulong, inihaharap din ang mga inaresto sa mga “dating rebelde” para pabaligtarin sila at hikayatin magpagamit sa estado. Ginagamit rin ang pamilya ng mga inaresto at detenido para piliting “sumuko” ang nakakulong na mga kaanak.

Inaresto sa pagtindig sa karapatan sa lupa. Limang myembro ng Samahang Magsasaka at Mangingisda sa Barangay Taltal (SAMMBAT) ang inaresto ng mga pulis kasunod ng pagtutol nila sa demolisyon sa mga bahay sa 32-ektaryang lupa sa Sityo Togue, Barangay Taltal sa Masinloc, Zambales noong Hunyo 19.

Sumugod sa komunidad ang mga magpapatupad ng demolisyon sa pangunguna ni Sheriff Roy Mendones ng upisina ng Provincial Sheriff kasama ang humigit-kumulang 70 pulis at mga tauhan ng SWAT. Ikinulong ng mga pulis sina Neil Edward Geroca, tagapagsalita ng grupo, si Claire Elfalan, kalihim ng SAMMBAT, at mga kasapi nito na sina Elmer Nollas, Elmer Madarang, at Alex Mose. Nakalaya sila matapos ang ilang araw sa bisa ng pyansa.

Pag-aresto sa mga nagbarikada kontra demolisyon. Apat na residente ng Mayhaligue Street sa Barangay 262 at 264 sa Zone 24, Tondo, Manila ang inaresto ng mga pulis dahil sa kanilang pagbabarikada laban sa demolisyon sa komunidad noong Mayo 26. Giit ng mga residente, walang ligal na batayan at labag sa kanilang mga karapatan ang demolisyon.

Ang kaso ng Agusan 8. Dinakip ng mga elemento ng 66th IB, 67th IB, at pulis ang 11 indibidwal sa isang tsekpoynt sa Bunawan, Agusan del Sur noong Hunyo 13 ng gabi. Bumibyahe mula sa bayan ng Monkayo sa Davao De Oro sina Charisse Bernadine Bañez, Ronnie Igloria, Louvaine Erika Espina, Sinag Lugsi, Larry Montero, Daryl Man-Inday, Arjie Guino Dadizon, Grace Niknik Man-aning, Leo Taba, at dalawang drayber nang harangin sa tsekpoynt. Sa impormasyon ng grupo, sapilitan silang pinababa at ilang oras na pinadapa sa kalsada.

Giit nila, walang dahilan ang mga pwersa ng estado para isagawa ang pagdakip. Iginiit ng mga biktima na gawa-gawa ang mga kaso at pinalalabas na may nakuhang mga armas at pampasabog sa kanila. Hinalughog ng militar at pulis ang sasakyan nang walang ipinakikitang search warrant at kinumpiska ang kanilang mga gamit. Pinatayo lamang sila matapos ang dalawang oras at pinalabas na nakuha sa kanilang gamit ang mga armas at pampasabog. Dinala sila sa istasyon ng pulis sa Bunawan.

Noong umaga ng Hunyo 14, nadiskubre ng mga biktima na hindi na nila kasama at nawawala sina Taba at ang dalawang drayber ng mga sasakyan. Sa araw na iyon, pinigilan din ng mga sundalo ang mga paralegal at grupo sa karapatang-tao na makalapit at makausap ang mga dinakip.

Inantalang paglaya. Sa panahon ng ulat, naitala ang mga kaso ng sadyang pagpapatagal at pag-antala sa pagproseso ng mga dokumento at papeles para hindi kaagad makalaya ang mga bilanggong pulitikal. Kabilang dito ang naging kaso ni Rey Irvine Malaborbor.

Noong Hunyo 23, nakatakda nang lumaya si Malaborbor mula sa anim na taong pagkakakulong nang harangin siya ng mga tauhan ng Metro Manila District Jail Annex 4 (MMDJ4) at ibinalik sa kulungan. Ayon sa tauhan ng kulungan, may dumating na subpoena laban kay Malaborbor para sa kasong arson na diumano’y naganap noon pang 2019 sa Mindoro. Hindi nakapangalan kay Malaborbor ang naturang subpoena.

Si Malaborbor ay isang aktibista at myembro ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK). Inaresto at sinampahan siya ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms at pagpatay ng mga elemento ng 76th IB noong Hulyo 27, 2019 sa Santa Cruz, Occidental Mindoro. Inakusahan rin siyang myembro ng Bagong Hukbong Bayan.

Tuluyan lamang nakalaya si Malaborbor mula sa kulungan noong unang linggo ng Hulyo.

5 taon ng Anti-Terrorism Act. Sa pagpapatupad ng mapanupil na Anti-Terrorism Act at ng kaugnay na batas kontra sa “terrorism financing,” naitala ng grupong Karapatan na may 227 indibidwal na kinasuhan, habang 34 ang arbitraryong itinalaga ng Anti-Terrorism Council na mga “terorista.”

Sa mga kinasuhan, nasa 30 ang kasalukuyang nakakulong. Isa ang naisadokumentong nahatulang maysala sa pamamagitan ng isang plea bargain sa estado. Kumaharap ang naturang biktima sa 55 bilang ng pagiging sangkot sa “terrorist financing.”

Atake sa kasagsagan ng eleksyong midterm. Kumaharap ng walang tigil na atake ang mga patriyotiko at demokratikong kandidato na tumakbo para sa eleksyong midterm noong Mayo. Naging target ng lantarang panunupil sa porma ng Red-tagging, pagmamanman at pananakot, ang mga senador at partylist ng Koalisyong Makabayan at maging mga lokal na kandidato. Hindi naging ligtas maging ang mga tagasuporta ng Makabayan mula sa panunupil na ito.

Sa datos ng Vote Report PH, nasa 4.83% ng kabuuang 6,064 ulat ng mga paglabag sa karapatan at anomalya noong eleksyon. Pinakamatindi sa mga ito ang pagdukot at kalaunan ay detensyon sa isang kampanyador ng Bayan Muna Party-list sa Batangas.

Dinukot ng 59th IB si Pauline Joy Banjawan noong Abril 26 at natunton ng mga grupo sa karapatang-tao noong Abril 28 sa istasyon ng pulis sa Santo Tomas, Batangas. Napag-alaman na bago siya dalhin sa PNP-Santo Tomas noong alas-9 ng gabi ng Abril 27 ay nakaranas na siya ng pisikal at mental na tortyur sa kamay ng 59th IB. Sinampahan siya ng kasong kriminal para ikulong.

Naitala naman ng AB sa nagdaang taon ang 17 biktima ng pagdukot. May mga kaso sa Isabela, Rizal, Batangas, Sorsogon, Masbate, Negros Oriental at Occidental, at Agusan del Sur. Ilan sa mga biktima ay inilitaw rin ng mga pwersa ng estado, habang ang iba ay mga bangkay na nang ipinakita ng militar. Pinalabas silang napatay sa mga engkwentro.

Sa mga buhay na inilitaw, ang iba ay sinampahan ng gawa-gawang kaso at nakakulong. Habang ang ilan ay nasa kustodiya ng militar at ipinrisentang “sumuko.”

Nakapagtala rin ang AB ng hindi bababa sa 891 biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Higit na mas malaki ang bilang na ito kung isasali ang libu-libong ipinarada at sapilitang “pinasurender” ng militar bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB sa kalunsuran at kanayunan. Sa mga kaso ng “pagpapasurender,” hindi iilan ang pagkakataon na ginamit ng militar ang pamamahagi ng ayuda para kuhanan ng litrato ang mga residente at sabihing “sumuko” sila.

Lagim ng militar sa mga komunidad

Sa imbing layunin na “durugin” ang mga hukbong bayan sa kanayunan, o diumano ito’y “pigilang makabalik,” sinasakop ng mga operasyong kombat ng AFP at PNP ang maraming komunidad sa kanayunan. Patuloy na nakapakat ang bata-batalyong pwersang militar at pulis sa maraming komunidad ng mga magbubukid at pambansang minorya.

Naitala ng AB ang hindi bababa sa 2,060 biktima ng pwersahang pagpapalayas at dislokasyon. Umabot sa 171,066 ang bilang ng mga residenteng apektado ng ipinataw na malulupit na blokeyo sa pagkain at ekonomya. Mayroong naitalang siyam na kaso ng aerial bombing, istraping at panganganyon.

Pambobomba sa Mindoro. Nagsagawa ng aerial strafing at pambobomba ang 203rd IBde sa Mansalay, Oriental Mindoro noong Marso 1. Nagdulot ito ng ligalig ang pag-atake sa mga komunidad ng magsasaka at Mangyan-Hanunuo.
Sa ulat ng mga residente, alas-10 ng umaga naganap ang unang bugso ng pagpapaulan ng bala mula sa ere gamit ang dalawang blackhawk helicopter sa Sityo Lomboy, Barangay Panaytayan. Matapos nito, muling bumalik ang mga helikopter dakong alas-2:30 ng hapon at naglaglag ng apat na bomba kasabay ang walang habas na pagpapaputok sa magkakatabing sityo ng Lomboy, Abaka, at Matarayo.

Isinagawa ng mga berdugo ang terorismo mula sa himpapawid matapos ang isang gawa-gawang labanan ng 4th IB laban diumano sa BHB-Mindoro. Walang yunit ng BHB-Mindoro sa naturang lugar sa araw na iyon.

Naapektuhan rin ng pambobomba ang iba pang karatig na komunidad ng Buol, Amaga, Tangkulang, Salay, at Proper na sakop pa rin ng Barangay Panaytayan, at mga sityo ng Puyuhan at Badi na sakop ng katabing Barangay Teresita.

Ang pambobomba sa Mansalay ay kasunod ng aerial strafing at pambobomba rin sa bayan ng Pola noong Pebrero 19.

Istraping sa Bukidnon. Nagpaulan ng bala ang 88th IB sa mga sibilyan sa Sityo Bendum, Barangay Busdi, Malaybalay City, Bukidnon noong Abril 19. Isang sibilyan ang kritikal na tinamaan at isinugod sa ospital dahil dito. Ang mga nasabing sibilyan ay naghahanap lamang sana ng lapnisan (agarwood) at “napagkamalan” diumano ng mga sundalo na myembro ng hukbong bayan.

Pinsala ng US war games sa kabuhayan. Direktang naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa pagpapataw ng “no-sail zone” ng lokal na gubyerno at ng tropa ng US para bigyang daan ang mga war games at live-fire exercises. Ipinatupad ito noong Abril at Mayo sa mga bayan sa Ilocos, Zambales at Cagayan kung saan hindi bababa sa 28,000 mangingisda ang naapektuhan ayon sa mga ulat. Maituturing itong blokeyo sa pagkain at ekonomya na lumalabag sa karapatang-tao.

Hustisya!

Hustisya ang nagkakaisang sigaw ng sambayanang Pilipino para sa lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos. Iba’t ibang anyo ng pagpapahayag at pakikibaka ang inilunsad ng mga grupo sa nagdaang taon upang bigyang boses ang mga biktima at kanilang mga pamilya.

Tuluy-tuloy ang panawagan ng mga grupo at biktima ng gera sa droga na papanagutin si Rodrigo Duterte sa kanyang krimen sa sangkatauhan. Ikinalugod nila ang pag-aresto kay Duterte noong Marso 11 at detensyon sa International Criminal Court sa kasong krimen sa sangkatauhan. Naninindigan ang mga biktima laban sa anumang tangka at maniobra ng kampo ni Duterte para pahintulutan at mabigyan siya ng interim release. Dagdag dito, pinalalakas rin nila ang panawagang muling sumali ang Pilipinas sa ICC.

Isinagawa rin ng mga grupo sa karapatang-tao ang mga fact-finding mission bilang porma ng paglaban at panawagan para sa hustisya. Sa Mindoro, matapang na hinarap at nilabanan ng iba’t ibang mga grupo, kabilang ang Karapatan-Southern Tagalog, ang harap-harapang panggigipit at karahasang militar ng 203rd Ibde na nagtangkang pigilan silang isagawa ang isang fact-finding mission sa isla ng Mindoro noong Pebrero 23 hanggang Marso 1.

Partikular na tinungo ng tim ang bayan ng Pola, Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro kung saan naiulat ang serye ng mga paglabag sa karapatang-tao kasunod ng mga engkwentro ng 203rd IBde sa BHB-Mindoro noong Pebrero. Pagkarating pa lamang ng tim sa isla, nakapataw na ang hindi deklaradong batas militar sa mga barangay.

Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na kampanya at pagpupursige ng mga pamilya at abugado, ilan nang mga detenidong pulitikal ang napalaya dahil sa kawalan ng ebidensya ng gawa-gawang mga kasong isinampa sa kanila.

Kabilang dito ang paglaya ng mga organisador ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na sina John Griefen Arlegui at taga-Anakbayan na si Reynaldo Viernes noong Pebrero 4. Higit anim na taon silang ikinulong. Nakalaya rin noong Abril 8 ang mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga Lumad na sina Julieta Gomez at Niezel Velasco makalipas ang apat na taon.

Naging tampok rin sa nagdaang taon ang serye ng mga welga at sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at unyon para igiit ang kanilang panawagan para sa dagdag-sahod, mga karapatan sa pagawaan at ipanalo ang bagong collective bargaining agreement (CBA). Ilan sa mga tampok na pagkilos ang naganap na welga ng mga manggagawa at unyon ng Nexperia Philippines Inc at Kawasaki Philippines.

Patuloy ang militanteng paglaban ng mamamayan at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao para tuluy-tuloy na labanan ang brutal na paghahari ng rehimeng Marcos. Mula sa mga hakbanging ligal o ekstra-ligal, hanggang sa mga armadong aksyon ng BHB, tuluy-tuloy na lumalaban ang mamamayan para sa pagtatanggol sa mga karapatan at pagkakamit ng hustisya. Inilalantad, binabatikos at sinisingil nila si Marcos sa mga patakaran sa panunupil at terorismo ng estado.

Source link