Pahayag ng Compatriots – NDF sa Paggunita sa ika-52 taon ng Batas Militar
Sa paggunita ng ika-52 taon ng batas militar, nananatiling buhay at nag aalab ang rebolusyonaryong diwa ng mga Pilipino maging sa iba’t-ibang dako ng mundo. Hindi nito nakakaligtaan ang mga bangungot at malawakang karahasang dulot mula ng ideklara ng dating diktador na si Marcos Sr ang batas militar noong Setyembre 21, 1972. Libo-libo ang malawakang inaresto at ikinulong nang walang isinampang kaso, nakaranas ng kalupitan tulad ng tortyur habang ang iba ay naging biktima ng dagliang pagkawala o dinukot at kalaunan ay natagpuang patay o biktima ng “salvaging”, na tawag noon at ngayon ay extra judicial killings o EJK.
Sa paggunita ng madilim na bahagi ng ating kasaysayan, tinitindigan ng Compatriots-NDF na patuloy na makikibaka ang mga kababayan sa labas ng bansa. Ito ay dahil hanggang ngayon ang karumal-dumal na pangyayari noon ay patuloy pa rin hanggang sa ngayon sa ibang katawagan lamang – EJK, trump up charges, terorista ang mga aktibista. Gayundin, ang kahirapang dinaranas natin ay hindi lang walang pagkakaiba noon kundi mas lalo pang lumala ngayon.
Kaisa nang mamamayang Pilipino ang Compatriots – NDF – ang rebolusyonarong kilusan sa ibayong dagat na kasapi ng National Democratic Front (NDF), sa pagkilala at pagpupugay sa mga biktima ng karahasan sa panahon ng US-Marcos Sr at mga sumunod pang mga rehimeng tuta ng US hanggang kay Marcos Jr kabilang ang mga kadre at pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na magiting na humarap sa bangis ng kaaway.
Ilan sa mga rebolusyonaryong kadre na biktima ng kalupitan at iba’t-ibang porma ng panunupil mula sa panahon ng dating diktador hanggang sa sumunod na mga rehimen, ang napilitang lumabas ng bansa para ipagpatuloy ang pagmumulat, pag oorganisa at pagpapakilos sa mga Pilipino para sa tunay na demokrasya at kalayaan sa Pilipinas. Gayundin, para patuloy na ilantad ang tumitinding pasismo sa bansa at kabulukan nang isang mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunan na pinapanatili nang Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo.
Matapos ang mahigit apat na dekada at sa pagsusulong ng anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibaka para sa tunay na demokrasya, hustisya at kapayapaan sa Pilipinas, nagpapatuloy ang paglawak at pagpapatatag sa rebolusyonaryong kilusan sa mga bansa at teritoryo sa ibayong dagat. Patunay dito ang pananatili sa mga batayang suliranin nang bansa na pwersahang nagtutulak sa mga mamamayan na lumabas ng bansa para mabuhay o pwersahang migrasyon na tinatayang nasa mahigit sampung porsyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas.
Tumitindi ang dinaranas na kahirapan nang mamamayang Pilipino. Kakambal nito ang lumalawak na kawalan sa hanapbuhay at hindi nakabubuhay na sahod habang patuloy na nagtatamasa ng dambuhalang tubo at labis-labis na karangyaan ang mapagsamantalang uri sa lipunan sa mahabang panahon.
Ang pagkaka luklok kay Marcos Jr. sa Malacañang ay batbat ng malawakang dayaan sa halalan ng 2022. Dulot ito ng tambalang Marcos-Duterte na humantong sa matinding bangayan at posibleng pagpapa talsik kay Sara Duterte bilang Bise-Presidente sa pamamagitan ng impeachment. Layon din ng kasalukuyang rehimen na baguhin ang kasaysayan at magpalaganap ng kasinungalingan at pagbuhay sa mga dating programa ng dating diktador habang pinapanatili nito ang mga anti-mamamayang mga batas tulad ng Anti-Terror Law, pagtatayo ng Anti-Terrorism Council at National Task Force to End Local Communist Arm Conflict (NTF ELCAC) at mga pamamaraan ng panunupil tulad ng redtagging, gawa-gawang kaso, pagdukot, tortyur, EJK at iba pa.
Kaya’t ang Compatriots bilang rebolusyonaryong kilusan ng mga Pilipino sa ibayong dagat ay patuloy na nilalabanan ang mga porma ng panunupil sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan at rebisyonismo sa kasaysayan kasabay ng patuloy na pagmumulat, pag oorganisa at pagpapakilos sa malawak na bilang ng mga Pilipino sa ibayong dagat at kanilang pamilya at makipag kapatiran sa iba pang mga rebolusyonaryo at anti-imperyalistang kilusan sa iba’t-ibang bansa sa mundo.
Sa ika-52 taon na ito ng batas militar, patuloy na isinusulong ng Compatriots ang pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba sa pamamagitan ng pag ambag sa armadong pakikibaka habang ginugunita ang makasaysayang mga aral at karanasan sa paglaban ng mamamayang Pilipino sa panahon nang US-Marcos Sr at sa mga sumunod na mga rehimen hanggang kasalukuyan.
Muli, rebolusyonaryong pag alala at pagpupugay sa mga biktima ng batas militar!
Labanan ang rebisyonismo sa kasaysayan at Isulong ang Pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba!
Imperyalismo, Pyudalismo, Burukratang Kapitalismo, IBAGSAK!