Ilandaang manggagawa mula sa mga unyon, pederasyon at pangmasang organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ilalim ng militanteng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang nagmartsa sa Baguio City noong Hunyo 30. Huling araw iyon ng kanilang apat na araw na ika-13 Pambansang Kongreso mula Hunyo 27 na nilahukan ng higit 300 delegado.
Panawagan sa martsa ng mga manggagawa ang pagpapanagot sa rehimeng Marcos sa pagpapakapapet nito sa imperyalismong US, pasistang atake sa manggagawa at mamamayan, pagpapahirap sa taumbayan at inutil na mga patakaran at programa. Nataon ang pagkilos sa ika-3 taon ng upisyal na pag-upo ni Ferdinand Marcos Jr sa poder.
Sa komunike ng KMU, itinuring nitong “pag-alpas para sa militanteng sentrong unyon ng manggagawang Pilipino” ang kongreso kasunod ng anim na taon na kinatangian ng sunud-sunod na pasistang atake, lalong pagguho ng karapatan dulot ng patakarang neoliberal at iba’t iba pang mga internal at eksternal na pagsubok. Huling natipon ang Kongreso ng KMU noong 2018, panahon ng rehimeng Duterte.
Naghalal ng bagong mga upisyal ang KMU para sa susunod na mga taon. Mauupo bilang pambansang tagapangulo ng sentro ng mga unyon si Jerome Adonis, dating pangkalahatang kalihim ng KMU at kandidato pagka-Senador ng Makabayan. Nahalal bilang pangalawang tagapangulo si Florentino Viuya, beteranong lider-manggagawa sa Central Luzon at dating detenidong pulitikal, at pangkalahatang kalihim si Mary Ann Castillo, pangulo ng Nexperia Workers Union at myembro ng LGBTQ+. Ang dating tagpangulo ng KMU na si Elmer Labog ay magsisilbing Tagapangulong Emeritus.
Nagbalangkas din ang Kongreso ng 3-Taong Programa ng Pagkilos ng KMU na naglalaman ng mga tungkulin sa mapangahas na pagtatataas ng kamulatan, pag-oorganisa at pagpapakilos sa manggagawa at mamamayan. Pangunahing nilaman nito ang paglalantad at paghihiwalay sa rehimeng US-Marcos Jr. Mayor na tungkuling palakasin ang pakikibaka para sa kagyat na ginhawang pang-ekonomya. Kasabay nito, ang pagpapahigpit ng ugnayan ng uring manggagawa sa iba’t ibang mga inaaping uri at sektor, at pamumuno nito para sa pambansa-demokratikong pagbabago.
Ayon sa Komunike, ipinasa ng Kongreso ang mga resolusyon hinggil sa pagpapalapad ng kampanyang sahod upang ibayong makaisa ang mga manggagawang bukid at iba’t ibang sektor sa ilalim ng mga alyansa para sa dagdag-sahod, mga usapin sa seguridad sa trabaho at kagalingan ng mga kabataang manggagawa, at mga apektado ng automation at digitalization, pagtataguyod ng karapatang-tao, pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at paglalantad sa mga pekeng pormasyong itinatayo ng pasistang estado laban sa mga tunay na unyon ng manggagawa.
Ipinahayag din nila ang suporta sa paghahain ng House Bill 202: ₱1200 Living Wage Bill nina ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio at Kabataan Partylist Rep. Renee Co ng Makabayan Bloc sa araw na iyon.
Nagbigay ng susing pananalita sa Kongreso si Ka Julieta de Lima ng National Democratic Front of the Philippines. Nagpaabot ng mensahe ng pakikiisa sa pagtitipon sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, si Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Luc Triangle, pangkalahatang kalihim ng International Trade Union Confederation General Secretary at ang International League of Peoples’ Struggles.