Mga yunit ng NPA sa TK, magtanghal, magbigay-pugay kay Kasamang Luis Jalandoni

Alinsunod sa atas ng Partido Komunista ng Pilipinas, inaatasan ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog ang lahat ng yunit ng NPA sa ilalim nito na maglunsad ng mga pagtitipon upang parangalan si Kasamang Luis Jalandoni, NDFP consultant at dakilang rebolusyonaryo sa pagputok ng araw sa Hunyo 12.

Bilang pagpupugay kay Ka Louie, ilunsad ang mga pormal na paghanay, magtanghal at isagawa ang tahimik na 21-gun salute sa dakilang martir. Matapos ang pormal na seremonya, marapat na isagawa ng mga yunit ng NPA sa rehiyon ang Parangal at Panata kay Ka Louie.

Ipagdiwang ang kabayanihan ni Ka Louie sa mga kapehan. Talakayin ang talambuhay at mga ambag ni Ka Louie sa rebolusyon upang maging inspirasyon ang kanyang katatagan, di pagkamakasarili at walang pag-aalinlangang pag-aalay ng kaisa-isa niyang buhay sa rebolusyon. Kahanay si Ka Louie ng mga dakilang martir ng rebolusyong Pilipino na nag-iwan ng ginintuang pamana upang umigpaw pasulong at ibayong sumulong sa armadong pakikibaka. Kailanman, hindi siya nahulog sa patibong ng reaksyunaryong GRP sa negosasyong pangkapayapaan na magsalong ng armas at isuko ang armadong rebolusyon.

Katulad ni Ka Louie, ubos-kayang ibibigay ng mga Pulang mandirigma sa Timog Katagalugan ang kanilang buong makakakaya sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan upang makamit ang tunay na demokrasya at pambansang paglaya anuman ang mga sakripisyo at kahirapan.

Source link