Malinaw sa ipinataw na dagdag na taripa ni President Donald Trump ng US sa mga eksport ng Pilipinas na hungkag ang ipinagmamayabang ng papet na estado na “espesyal na ugnayan” sa pagitan ng dalawang bansa. Ito ang pahayag ng Ibon Foundation kaugnay sa pagpataw ng gubyernong Trump ng 20% taripa sa mga produktong Pilipino, na magkakabisa sa Agosto 1.
Tinawag ng Ibon na “economic bullying” (pang-ekonomyang pamimilit) ang pagtaas ng taripa ng US. “Hindi ito simpleng usapin ng kalakalan, kundi isang paraan para kontrolin ang ekonomya ng Pilipinas at pigilan ang pag-unlad ng lokal na industriya.”
Pinansin ng Ibon na hindi pinatawan ng US ng taripa ang mga sektor ng mahalaga sa sarili nitong ekonomya, tulad ng semiconductors, pyesa ng sasakyan, bakal, at aluminum. Ang mga produktong ito ay hawak ng mga dayuhang kapitalista at bultong iniluluwas sa US. Sa halip, pinatawan nito ng taripa ang mga hilaw na materyales at produkto na iniluluwas ng bansa tulad ng niyog, prutas, gulay, at pananamit, na mas marami ay hawak ng mga lokal na kapitalista. Pinatitingkad nito ang kahinaan ng lokal na ekonomyang nakatuon sa pag-export at dayuhang pamumuhunan, ayon pa sa Ibon.
Kinutya ng Ibon ang tugon ng rehimeng Marcos na “pagpapakumbaba” at pag-asa sa “kabutihang-loob” ng US. Pampalubag-loob ang sinabi ni Frederick Go, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, na pinakamababa naman daw sa Southeast Asia ang ipinataw na taripa sa Pilipinas. Ang totoo, isa ang Pilipinas sa may pinakamalaking dagdag sa taripa sa rehiyon (3%), mula 17% tungong 20%.
Sa gitna ng pamemresyur ng US, nagbabala ang Prime Minister ng Malaysia na si Anwar Ibrahim sa negatibong epekto nito sa lokal na mga ekonomya sa Southeast Asia. Sa pulong ng ASEAN Foreign Ministers, binatikos niya ang mga taripa ni Trump bilang “instrumento na dating ginagamit para palaguin ang ekonomya pero ngayon ay ginagamit para panggigipit.”
Binigyang-diin ni Anwar, na hindi “pansamantalang unos” ang patakaran sa ekonomya ni Trump kung isa nang bagong kaayusan. Hinimok niya ang bansa sa ASEAN na pahigpitin ang integrasyon sa rehiyon at bawasan ang pag-asa sa mga panlabas na kapangyarihan.