Nagprotesta ang mga Rizaleño sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Rizal noong Hulyo 18 sa bayan ng San Mateo. Ang kilos-protesta ay paghahanda nila para sa malawakang demonstrasyong ikakasa ng mga grupong pambansa-demokratiko sa Hulyo 28, araw ng ika-4 na state of the nation address ni Ferdinand Marcos Jr.
Sa programa, nagsalita ang kinatawan ng Katipunan ng Samahang Magbubukid-Rizal at isiniwalat ang tumitinding kampanya ng pangangamkam ng lupa sa prubinsya sa balangkas ng pagpapalit-gamit ng lupa. Binatikos rin ng grupo ang malalaki at mapangwasak na proyektong imprastruktura sa Rizal kabilang ang Kaliwa-Kanan-Laiban Dam na nagpapalayas sa mga magsasaka at katutubong Dumagat.
Tinalakay ng kinatawan ng Bayan Muna Southern Tagalog ang usapin ng napakababang sahod ng mga manggagawa. Sa Calabarzon, kung saan kabilang ang Rizal, nakapako sa ₱450-₱540 ang arawang sahod depende sa uri ng trabaho at klase ng munisipyo.
Ayon sa Anakbayan-Rizal, malinaw na walang nagawa para sa mamamayang Pilipino ang rehimeng Marcos. “Mga kababayan, napatunayan sa tatlong taon na tunay na inabandona ng rehimeng Marcos ang interes ng mga kabataan,” ayon kay Ron Reyes, koordineytor ng grupo.
Ani Reyes, walang sapat na pondo sa edukasyon, disenteng trabaho at batayang serbisyo na ibinibigay ang rehimen sa mga kabataan. “[Kaya walang pondo] dahil prayoridad ng gubyernong ito ang militarisasyon at pagpondo sa tuta at papet, at utak-pulburang militar at PNP,” dagdag niya.
Sa pagsasara ng programa, sinabi ng Bayan-Rizal na walang aasahan sa SONA ni Marcos kundi pawang kasinungalingan at pambibilog ng ulo ng mamamayan. Hinimok niya ang mga kapwa Rizaleño na tuluy-tuloy na kumilos at lumahok sa malawakang protesta sa darating na SONA ng bayan.