Hungkag ang ipinangalandakan kamakailan ng 20th Infantry Battalion na maramihang aplikasyon para sa “safe conduct pass” ng 127 “dating rebelde” sa Las Navas, Northern Samar. Ang totoo, pawang mga sibilyan sila na nilansi ng militar para dumalo sa aktibidad.
Ang “safe conduct pass” (SCP) ay panibagong iskema sa pagpapasuko na pangunahing ipinapatupad ng mga yunit militar sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Panimulang hakbang ito para ang mayhawak ng SCP ay kalaunan magawaran ng amnestiya, o “mapatawad” para sa kanilang mga kaso.
Ayon sa ilang residente na dumalo sa aktibidad sa Las Navas, sinabihan lamang sila ng kapitan ng kanilang barangay na ang lahat ng dati nang nagpa-“clear” o “sumuko” ay kailangang pumunta sa bayan. Laking gulat nila na para pala ito sa paghain ng aplikasyon para sa SCP, o paghingi ng amnestiya. Ikinagalit nila at ng ibang upisyal ng barangay kung paano sila nilansi para dumalo sa aktibidad.
Ang bayan ng Las Navas ang naging pangunahing target ng matinding kampanyang pagpapasuko sa Northern Samar. Sa ilang baryo, buong populasyon, kabilang ang mga menor de edad at matatanda, ay pinipilit na magpa-“clear” o sumuko, kahit na wala namang kaso laban sa kanila o ayaw nila. Napipilitan namang sumunod at maging kasangkapan ang ilang upisyal ng barangay dahil sa matinding presyur mula sa militar.
Sa ibang baryo kung saan nalaman ng mga residente na para sa SCP ang aktibidad sa bayan, tuwiran silang hindi sumipot. Anila, hindi nila lubos na maunawaan kung ano ang kailangan nilang ihingi ng amnestiya. Ipinagtataka rin nila kung bakit may mga abugado sa seremonya gayong wala naman silang kasong kinakaharap.
Ayon naman sa mga nalansing mag-apply para sa SCP, kung nalaman lang nila ang ultimong layunin ng aktibidad, hindi sana sila dadalo. Ikinagalit nila kung paano naging arbitraryo ang proseso ng pagpapasali sa kanila sa programang amnestiya. Gayumpaman, ipinapakalat ng militar na ang mga hindi pumunta sa seremonya sa Las Navas ay kailangang “dumiretso sa Catarman.” Sa Catarman matatagpuan ang hedkwarters ng 803rd Infantry Brigade, yunit na sumasaklaw sa buong Northern Samar.
Dagdag na patunay ang seremonya ng 20th IB sa Las Navas na hungkag ang programang amnestiya ng rehimeng US-Marcos. Sa kagustuhan nitong palabasin na dumarami ang tumatalikod sa rebolusyonaryong kilusan, pinalalabas lang nito ang sarili bilang sinungaling, habang lalo silang kinamumuhian at nahihiwalay sa malawak na masa.
Mariing itinatakwil ng Rodante Urtal Command ang anumang alok na amnestiya. Hangga’t nananatili ang kagutuman, kahirapan at kawalang hustisya dahil sa pang-aapi at pananamantala, walang dahilan ang Bagong Hukbong Bayan na magbaba ng armas at isuko ang rebolusyonaryong pakikibaka. Kailangan nitong tugunan ang lumalakas na panawagan ng mamamayan na ibagsak ang naghaharing sistema at kamtin ang tunay na kaunlaran para sa mamamayang Pilipino.











