Naligalig ang mga residente ng komunidad ng BTL (Buffalo-Tamaraw-Limus) sa Maramag, Bukidnon sa biglaang pagdagsa ng mga pulis sa kanilang komunidad noong Hunyo 14. Nagulat na lamang sila na sunud-sunod na pumarada ang mahigit anim na sasakyan ng mga pulis na pawang may dalang mahahabang armas bandang tanghali sa araw na iyon. Walang naibigay na dahilan ang mga ito nang tanungin ng lider ng komunidad kung ano ang ginagawa nila doon.
Naalarma sila dahil noong Marso lamang, pinadalhan ang mga residente rito ng “notice to vacate” kaugnay sa inilabas na “writ of demolition” laban sa mga myembro ng BTL Multipurpose Cooperative at Musuan Inhabitants’ Landless Farmers Association (MILFA).
Matatagpuan ang komunidad ng BTL sa loob ng inaangking lupa ng Central Mindanao University sa Musuan, Maramag. Ang BTL ang pinagsamang tatlong samahan ng mga magsasaka—Buffalo (Bukidnon Free Farmers and Agricultural Laborers Organization), Tamaraw (Triad Agricultural Manpower of Rural Active Workers), at Limus (Landless Tillers Inhabitants of Musuan). Deka-dekada na silang nagtatanim sa lugar.
Ang kaso ng BTL ay isa sa mga patunay ng kapalpakan ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Noong dekada 1980, iginiit ng mga magsasaka na ipailalim sa reporma ang halos 2,400 ektarya ng lupang agrikultural. Noong 1989, pinaburan ng Department of Agrarian Reform ang petisyon ng magsasaka at ipinag-utos ang pagpapamahagi ng 517 ektarya sa kanila. Pero noong 1992, pumabor ang Korte Suprema sa CMU at kinansela ang mga land ownership award ng mga magsasaka.
Nagpatuloy sa pakikibaka ang mga magsasaka sa sumunod pang mga dekada. Nanindigan sila sa harap ng karahasan at paniniil ng mga gwardya ng unibersidad, sundalo at pulis. Isa sa mga biktima ng karahasan si Leonardo Loable, na binaril ng gwardya ng CMU sa isang protesta. Isa pa si Veneranda ‘Didang’ Ginanao, kasapi na lokal na balangay ng Amihan National Federation of Peasant Women, na napatay sa pang-iistraping ng 89th IB noong 2019. Nasugatan ang kanyang asawa na si Reynaldo “Jun” Ginanao, lider ng KASAMA-Bukidnon at anak na si Christian sa insidenteng ito.
Noong 2020, pumirma ang CMU sa isang MOA na nagpapahintulot sa mga magsasaka na patuloy na magsaka sa lugar. Sa kabila nito, tinangka pa rin ng mga gwardya ng unibersidad na palayasin sila sa kanilang mga sakahan sa nakaraang mga taon.