Mga protesta

 

Pagpatay sa panukalang dagdag sahod, binatikos. Nagprotesta noong Hunyo 12 sa Quezon City ang Kilusang Mayo Uno at mga grupo sa paggawa para kundenahin ang pagpatay ng rehimeng US-Marcos at mga alipures nito sa panukalang batas para dagdagan ng ₱200 ang arawang sahod ng mga manggagawa. Idinahilan ng Senado na “wala nang panahon” at “walang sapat na pag-aaral” para talakayin ang panukala sa antas ng bicameral conference ng ika-19 na Kongreso.

Tanggalan sa Sun Ace Polymer, kinundena. Nagpiket ang mga manggagawa ng Sun Ace Polymer Manufacturing Corporation sa harap ng Department of Labor and Employment-National Capital Region noong Hunyo 10 para igiit ang agarang pagbabalik sa trabaho ng tinanggal na mga manggagawa nito. Iligal na tinanggal ng kumpanya ang 31 manggagawa matapos nilang ireklamo ang labor-only contracting at mga pang-aabuso sa trabaho. Ang Sun Ace ay nasa Valenzuela City at gumagawa ng plastic sando bag.

Kumpensasyon, ipinaglaban sa Batangas. Higit 1,000 magsasaka, mangingisda, manggagawang-bukid at maggagapak mula sa unang distrito ng Batangas ang dumalo sa isinagawang dayalogo sa Department of Agriculture-Calabarzon sa Balayan, Batangas noong Hunyo 18. Panawagan nila ang agarang pamamahagi ng kumpensasyon para sa epekto ng kalamidad at ang alokasyon ng disaster fund para sa tunay na rehabilitasyon ng kanilang kabuhayan.

Pangangamkam ng lupa sa Zambales, nilabanan. Nagbarikada ang mga residente at magsasaka ng Barangay Taltal, Masinloc, Zambales noong Hunyo 19 para pigilan ang nakatakdang demolisyon sa kanilang komunidad. Limang residente ang inaresto ng mga pulis dahil sa kanilang pagtutol. Inaagaw ng pamilyang Yap ang 32-ektaryang lupang binubungkal ng mga magsasaka sa lugar dahil tinanggal ito sa saklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Bago ang barikada, nagtungo ang mga magbubukid noong Hunyo 10 sa Department of Agrarian Reform-Zambales sa bayan ng Iba para ipanawagan ang muling pagbubukas ng imbestigasyon ng ahensya kaugnay ng kanilang karapatan sa lupa.

Bilanggong pulitikal sa Quezon, palayain! Nagpiket ang mga grupo sa karapatang-tao sa Quezon noong Hunyo 16 para ipanawagan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal sa prubinsya. Isinagawa ang piket sa bayan ng Pagbilao, at Lucena City kung saan dininig sa araw na iyon ang kasong kinahaharap nina Lino Baez at Willy Capareño.

The post Mga protesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.

Source link