Mga protesta

 

Usapang pangkapayapaan, ituloy! Nagtipon ang mga grupong maka-kapayapaan noong Nobyembre 21 sa Maynila para gunitain ang isang taong anibersaryo ng Oslo Joint Statement ng Gubyerno ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of Philippines (NDFP) na nilagdaan noong Nobyemre 23, 2023. Ipinahayag nila ang kanilang pag-asa sa muling pagbubukas sa usapan, kasabay ang kanilang pagkabahala sa sunud-sunod na pag-aresto sa mga konsultant ng NDFP noong Oktubre. Pinangunahan ang pagtitipon ng Council of Leaders for Peace Initiatives.

Kumilos ang Friends of the Filipino People in Struggle at mga kasapi nito sa United States, Canada, Netherlands, Hong Kong at iba pang bansa noong Nobyembre 30 bilang suporta sa NDFP. Kinundena nila ang panunupil at pag-atake sa mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP sa nagdaang mga taon.

Piket ng mga manggagawa sa Pampanga. Nagtayo ng piket ang mga manggagawa ng SG Farms Processing Plant at Maximus Dressing Plant sa Barangay San Isidro, San Simon, Pampanga para labanan ang iligal na pagsasara ng planta. Itinayo ng Maximus Employees Union-NAFLU-KMU ang kanilang piketlayn noong Oktubre 8 at nanawagan ng separation pay at pagkuha sa kanila ng ahensya. Biglang isinara ang planta nang magparehistro ang mga manggagawa ng kanilang unyon noong Hulyo. Sinundan ito ng piket ng mga manggagawa ng SG Farms na katabing planta nito. Pinaniniwalaan ng mga manggagawa na iisa ang may-ari ng mga plantang ito.

Karapatan sa kabuhayan, giit ng mga manininda sa Davao City. Nagpunta sa Davao City Hall noong Nobyembre 22 ang mga manininda sa ilalim ng Agdao Laray Muslim and Christian Vendors Association para bigyan sila ng proteksyon laban sa palagiang “clearing” at banta ng demolisyon na anila’y nagdudulot ng pag-aalala sa kanilang mga paninda at karapatan nila sa kabuhayan. Nanawagan sila sa lokal na gubyerno na maglabas ng resolusyon para mabigyan sila ng karampatang espasyo para payapa silang makapaghanapbuhay. Isang araw bago nito, naglunsad sila ng pagkilos sa Rizal Park sa syudad.