Mga protesta

 

Walkout sa UP Visayas. Nagmartsa ang higit 600 estudyante ng UP Visayas sa kampus nito sa Miag-ao, Iloilo noong Nobyembre 15 upang iparating sa administrasyon ng unibersidad ang kanilang mga hinaing at kahingian. Sigaw ng iba’t ibang mga grupo, organisasyon at konseho sa martsa: “Do better UPV!” Itinaon ang pagkilos sa paggunita sa National Students’ Day tuwing Nobyembre 17.

Ika-11 taon ng Superbagyong Yolanda. Nagmartsa patungong Mendiola ang mga progresibong grupo at mga nakaligtas sa kalamidad sa pangunguna ng People Surge para gunitain ang ika-11 anibersaryo ng Superbagyong Yolanda noong Nobyembre 8. Nanawagan ang grupo ng hustisya para sa mga nasawi at nasalanta ng Yolanda noong Nobyembre 2013 sa ilalim ng rehimeng Aquino II. Samantala, nagkaroon ng pagkilos sa Marikina City noong Nobyembre 12 para gunitain ang ika-4 na taong anibersaryo ng bagyong Ulysses.

Lakad-dasal sa Quezon. Daan-daang mamamayan ng Quezon ang lumahok sa inilunsad na “Lakad-Dasal para sa Kalikasan, Katarungan at Katotohanan” noong Nobyembre 8 sa Lucena City. Nakilahok sa pagkilos ang mga taong-simbahan, mga grupong nagtatanggol sa kalikasan at iba pa para manawagang ihinto ang pagkukwari at mapanirang mga proyekto sa prubinsya. Nagtungo ang mga grupo sa kapitolyo para ihatid ang isang petisyon.

Pagkilos laban sa climate change at gera. Nakiisa ang mga maka-kalikasan at demokratikong organisasyong Pilipino sa isinagawang Global Day of Action Against Climate and War noong Nobyembre 16. Nagsagawa sila ng protesta sa harap ng embahada ng US sa Maynila kung saan tinukoy nila ang US bilang numero unong salarin ng climate change at mga gera sa buong mundo. Ang pagkilos ay kasabay sa pagbubukas ng COP29 sa Baku, Azerbaijan.