Ang Bayan Ngayon » Mga Pinoy na imigrante, dinetine ng ICE sa Chicago

Kinundena ng Tanggol Migrante Chicago ang pag-detine ng US Immigration and Customs Enforcement sa dalawang Pilipino na matagal nang naninirahan sa US.

Dinakip si “Tito E,” isang maliit na negosyante, noong Hunyo 11 sa O’Hare International Airport habang pauwi galing sa Pilipinas. Ayon sa Tanggol Migrante, hindi makatao ang kundisyon ng kanyang pasilidad. Kinulong siya sa isang kwarto na sobrang lamig, walang bintana at higaan. Pinadalhan siya ng mga jacket ng kanyang pamilya ngunit hindi niya ito natanggap. Samantala, binigyan lamang siya ng plastik na kumot at kaunting pagkain. Ilang beses din siyang inilipat-lipat sa iba’t ibang pasilidad.

Ilang buwan bago nito, dinakip si “Tita R,” isang manggagawa, ng mga elemento ng ICE noong Marso 14 habang nasa isang “routine check-in.” Ang routine check-in ay ginagawa para sa mga imigrante na may kaso ng deportasyon, naghihintay ng desisyon para sa kanilang aplikasyon o nakalaya mula sa detensyon at kailangang mag-ulat bilang bahagi ng pangangasiwa sa kanila.

Apat beses siyang pinalipat-lipat sa iba’t ibang pasilidad at lugar. Namaga ang kanyang mga hita dahil sa nilalagay na kadena tuwing ililipat siya ng pasilidad. Ilang araw din siyang walang gamot para sa kanyang atay at blood pressure. Aniya, marami silang nagsisiksikan sa isang kwarto na hindi makatao ang kundisyon.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala parin silang natatanggap na tulong mula sa konsulado o embahada ng Pilipinas.

Ang pagdakip kay Tito E at Tita R ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng rehimeng Trump ng pagtugis sa mga imigrante sa US. Sa kasalukuyan, may nakaririnding kota ang mga ahente ng ICE na dumukot ng 3,000 imigrate kada araw. Ayon sa mga tagapagtanggol sa karapatang-tao sa US, tinuturing nilang pagdukot at hindi pag-aresto ang ginagawa ng estado dahil sa iligal nitong pagtugis sa mga imigrante nang walang ligal na batayan. Anito, hindi krimen ang pagiging hindi dokumentado ng isang imigrante.

Ayon sa grupo, ang mga kaso sa Chicago ay nagpapakita ng pagdami ng mga Pilipinong nakadetine sa pasilidad ng ICE sa iba’t ibang bahagi ng US. Ang kalagayan ng mga Pilipino imigrante sa kanilang lugar ay tulad ng karanasan nila Kuya Dante at Aunty Lynn sa Seattle, “makakakuha tayo ng inspirasyon mula sa kanilang tapang, lakas at kolektibong tagumpay para sa kanilang paglaya.”

“Habang lumalala ang kundisyon at tumitindi ang mga atake, dapat tayong magkaisa upang maprotektahan ang isa’t isa at ating komunidad. Lumaban tayo tulad nila Aunty Lynn at Kuya Dante!” pahayag ng grupo

Nananawagan ang Tanggol Migrante Chicago sa konsulado ng Pilipinas sa Chicago na magbigay ng kagyat na tulong sa kanila sa pamamagitan ng pagdalaw at pagpanawagan para sa kanilang agarang paglaya.

Source link