Mga pari sa Albay, nanawagan na itigil ang malawakang pagkwari sa prubinsya

 

Naglabas ng pahayag ang Diocese ng Legazpi noong Hunyo 14 na nananawagan ng pangangalaga sa kalikasan sa harap nang nagpapatuloy na iresponsableng pagkakwari ng mga kumpanya sa dalisdis ng bulkang Mayon, isang deklaradong protektadong lugar. Kinilala rin ang Albay bilang UNESCO Biosphere Reserve noong 2016.

“Hinahawan ang kagubatan, na nagiging banta sa biodiversity at nagtataboy sa mga hayop sa lugar. Nababago o nabaharahan ang mga daanan ng katubigan, na nagdadagdag sa posibilidad ng pagbaha sa mga komunidad sa mabababang lugar. Ang mga proyektong imprastruktura ay itinatayo sa sensitibo at protektadong mga kalupaan, madalas na walang pagkilala sa epekto sa ekolohiya o pangmatagalang epekto sa kapakanan ng mga residente,” saad ng mga pari at obispo sa kanilang pahayag.

Umaabot sa mahigit 135 na kumpanya ang pinahintulutang magkwari sa prubinsya para sa taong 2024, ayon sa datos ng Provincial Environment and Natural Resources (PENRO) sa Bicol.

Ilang taon nang tinututulan ng mamamayan, mga organisasyon maka-kalikasan, at mga relihiyoso ang pagkwari sa Mount Mayon dahil sa epekto nito tuwing pumuputok ang bulkan at tuwing may bagyo.

Noong nakaraang taon lamang, dumanas ng matinding pagbaha ang mga barangay sa Albay dahil sa bagyong Kristine at Pepito. May ilang lugar na nalubog sa putik, graba at buhangin o lahar.

Nang tinamaan ang Albay noong 2020 nang bagyong Goni, nagdulot ito ng pagbuhos ng lahar na naglubog sa 300 kabahayan at pumatay sa 13 katao. Tatlong indibidwal ang nawawala sa bayan ng Guinobatan. Normal magkaroon ng lahar sa mga lugar na may aktibong bulkan, ayon sa mga eksperto at mga aktibista. Gayunpaman, pinalalala ito buhaghag na lupa na iniiwan ng mga operasyon ng kwari.

Nanawagan noon si Bishop Joel Baylon at mga pari sa Legazpi City sa estado at lokal na gubyerno na imbestigahan ang epekto sa kalikasan ng pagkwari sa Albay.

“Ang epekto ng bagyo ay pinalala ng mababang kalidad ng mga imprastruktura, maling paggamit ng pondo ng publiko, at malalang epekto nang walang kontrol na operasyong kwari sa dalisdis ng Bulkang Mayon at sa iba pang lugar, at mga nakapagdududa na konstruksyon sa kalsada sa buong prubinsya ng Albay,” pahayag ni Baylon.

Nananawagan din sila sa mamamayang Albayano na seryosohin ang nagaganap na pangwawasak sa kanilang kapaligiran at iwasang maging manhid o maparalisa ng takot.

“Umaapela kami sa ating mga pampublikong upisyal, hinalal na mga lider, at lahat ng pinagkatiwalaan na pangalagaan ang prubinsya, pakiusap gampanan ninyo ang inyong tungkulin na may integridad. Huwag ninyo hayaan na gawing dahilan ang pag-unlad para sa pagkasira ng kalikasan,” ayon sa mga pari.

Source link