Milyun-milyong mamamayan ng US ang naglunsad ng mga protestang tinaguriang araw ng ‘No Kings’ noong Hunyo 14, bilang pagtutol sa pasismo at anti-mamayang mga patakaran ng rehimeng Trump. Umabot sa 2,000 protesta sa 1,5000 syudad ang nailunsad sa buong bansa.
Tinawag ang protesta na ‘No King’ o walang hari laban sa pag-aasta ni Trump bilang hari sa halip na isang hinalal na presidente. Sa parehong panahon, panawagan ito para sipain si Trump sa kanyang “trono.” Ito ang pinakamalaking koordinadong protesta na inilunsad laban sa kanyang administrasyon simula nang manungkulan siya para sa kanyang ikawalang termino.
Sinabay ang protesta sa parada ng militar sa Washington para sa ika-250 anibersaryo ng US army, na nagsilbi ring pagdiriwang sa ika-79 na kaarawan ni Trump.
Sa Los Angeles, ang protesta na ito ay kasunod nang mahigit isang linggong malawakang protesta laban sa pagtugis sa mga imigrante at pagdeploy ng National Guard at Marines sa syudad. Kabilang sa lumahok sa mga protesta ay ang Migrante LA, Anakbayan LA, Gabriela LA at National Alliance for Filipino Concerns (NAFCON). Umabot sa 330 imigrante ang idinetine ng ICE mula Hunyo 6.
Kasabay ng pagdalo ng mga pambansang demokratikong organisasyon sa ‘No Kings,’ nagsabit ang mga myembro ng Anakbayan Philadephia ng strimer na may panawagang “US Out of the Philippines” sa may Vine Street, Expressway, Philadelphia.
Sa okasyon ng ika-127 araw ng kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, naglunsad ng rali ang Anakbayan Philadelphia sa Chinatown. Sinuportahan ang pagkilos ng mga alyadong organisasyong na Asian Pacific American Labor Alliance Philly, Freedom Road Socialist Organization Philly, Philadelphia SJP Coalition, Black Alliance for Peace Philly, Lal Morich Philly, Philly Alliance Against Racist & Political Repression, Workers World Philly, Koreans 4 Decolonization at Upenn, at Korea Peace Committee.
Sa protesta, tinuligsa nila ang pagkapapet ng rehimeng US-Marcos sa imperyalismong US at kapabayaan nito sa hinaing ng mga Pinoy na imigranteng idinitine ng ICE. Anila, karapat dapat na matamasa ng sambayanang Pilipino ang apat na kalayaan, ito ay ang kalayaan mula sa- detensyon at deportasyon, pang ekonomiyang pagsasamantala, militariasyon ng US at tiraniya at maruming pulitika.
“Bilang kabataan at estudyante, nanawagan kami sa kapwa kabataan na kumilos. Tungkulin natin bilang kabataan at estudyante ang hamunin ang pasistang gubyerno, at alalahanin na para ito sa ating kinabukasan. Tayo ang magpapabago ng lahat,” panawagan ng tagapagsalita mula sa Anakbayan Philadelphia.