Labas sa pagkilos ng mga kabataan at estudyante, nagpapatuloy din ang protestang kontra korapsyon ng mga manggagawa, maralitang-lunsod, magsasaka, mangingisda, taong simbahan at iba pang sektor. Anila, magtutuluy-tuloy ang mga protesta hangga’t walang napapanagot na mga korap sa kanilang krimen sa taumbayan.
Noong Oktubre 7, umabot sa 17,000 ang dumalo at nakiisa sa martsa at misang bayan sa Baguio City. Dalawang araw makalipas, sama-samang nagmartsa ang mga residente ng San Jose Del Monte City sa Bulacan.
Noong Oktubre 11, mahigit 3,000 ang dumalo sa panalangin kontra korapsyon sa Bacolod City. Sa araw ding iyon, libu-libong mananampalataya at taong-simbahan ang lumahok sa isang lakad para sa katarungan laban sa korapsyon sa Sampaloc sa Maynila. Inilunsad rin sa Albay ang isang martsa.
Noong Oktubre 12, naglunsad ng lakad kontra korapsyon sa Santiago City, Isabela kung saan mahigit 500 ang lumahok sa aktbidad. Sa araw ding iyon, isang rali ang muling inilunsad sa Meycauayan, Bulacan. Dalawang araw makalipas, naglunsad ng fluvial parade sa Manila Bay ang mga mangingisda ng Cavite.
Noong Oktubre 17, nagkasa ng protesta ang mga unyon ng manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno sa Laguna. Isang rali rin ang isinagawa ng mga progresibong grupo sa Cebu sa araw na iyon. Isang araw makalipas, inilunsad ang isang protesta sa La Trinidad Public Market sa Benguet.
Noong Oktubre 19, libu-libo ang lumahok sa martsa at panalangin laban sa mapangwasak na dredging, korapsyon at dinastiya sa pulitika sa Vigan City, Ilocos Sur. Isang araw makalipas, inilunsad ng mga nanay at kababaihan ang isang zumba kontra korapsyon sa Quezon City.
Nagpapatuloy rin ang Black Friday Protest ng mga progresibong grupo. Inilunsad naman ng simbahan kamakailan ang bersyon ng pagkilos kada Biyernes.
Inianunsyo naman ng United People Against Corruption nitong buwan ang planong magsampa ng isang indemnity class suit laban sa mga kongresista, kontratista at upisyal ng gubyerno na sangkot sa maanomalyang mga proyektong flood control.
Sa Hong Kong at Canada, binuo rin ng mga grupong Pilipino nitong Oktubre ang mga alyansang tutol sa katiwalian sa Pilipinas.











