Mga offshore wind project sa San Miguel Bay, tinututulan ng mga mangingisda ng Camarines Sur

Sinimulan na noong Pebrero ang pangangalap ng datos sa mga nakatira sa San Miguel Bay sa Camarines Sur para sa proyektong Offshore Wind Power Project.

Ang proyektong 1,000-megawatt offshore wind farm ay isa sa tatlong kontrata para sa proyektong Offshore Wind (OSW) ng kumpanyang Copenhagen Infrastructure New Market Fund Corp. (CINMF). Ang dalawa pa ay ang 650MW OSW sa Samar at 350MW OSW sa Dagupan. Nagkakahalaga ng P175 bilyon ($3 bilyon) ang buong proyekto at ang bawat service contract ay may 25 taong operasyon.

Sasakupin ng naturang proyekto ang 23,307 ektarya ng karagatan sa bayan ng Sipocot, Cabusao, Calabanga at Tinambac ng Camarines Sur at bayan ng Mercedes sa Camarines Norte, na kalakhan ay maituturing na municipal waters o karagatang nakalaan para sa maliliit na mangigisda. Tatayuan ang karagatang ito ng 110 hangang 160 na wind turbine. Habang ang 500kV transmission lines at substation ay dadaan sa mga bayan ng Calabanga, Bombon, Magaro Milaor at Naga City.

Plano ng kumpanya na simulan ang proyekto sa ikatlong kwarto ng 2026 at magsimula ang operasyon sa 2028.Sa ngayon, wala pang ginagawang konsultasyon sa publiko sa maapektuhang mga barangay.

Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang mga mangingisda, kanilang pamilya at mga nakatira malapit sa San Miguel Bay hinggil sa proyekto sa social media. Tinatayang nasa 5000-6000 maliit na mangingisda ang maapektuhan ng mga proyekto sa San Miguel Bay.

“Pahirap yan sa mga mangingisda, lalong liliit ang lugar na paghahanapbuhay nila kong matayo na ang windmill,” pahayag ni Jhun na taga-Calabanga.

“Kawawa naman ang maliliit na mangingisda na nakaasa lang sa dagat,” pahayag naman ng isa pang residente na si Chona.

“Pakisagot muna ang mga disbentahe ng proyektong ito kagaya ng tanong ng isang residente. Ngayon pa lang hirap na mangisda ang mga tao sa coastal area, dagdagan pa ng mapanirang proyekto, sisirain ang ecosystem ng dagat, mawawala lalo ng isda. Tutulan ang proyektong ito!” giit naman ni Hanna na taga Naga City.

“Pano ang hanap buhay ng mga taong nakaasa sa dagat? Mapag-aaral pa ba nila mga anak nila? Ang mga mangingisda at nakaasa sa dagat dito sa sabang? Paano na?” pag-aalala ni Eleanor na taga-Sipocot.

Ang kumpanyang CINFM, na mula sa Denmark, ay kaanib ng Copenhagen Infrastructure Partners (CIP) at Copenhagen Offshore Partners (COP), ito rin ang kauna-unahang 100% pag-mamay-ari ng dayuhang kumpanya na ginawaran ng wind energy service contract (WESC) ng Department of Energy (DOE) noong Marso 30, 2023 para sa eksklusibong karapatan na galugarin at paunlarin ang San Miguel Bay para gamitin ang wind energy para lumikha ng kuryente.

Binili naman ng ACEN Corp, isang kumpanya sa enerhiya ng Ayala Group ang 25% minority stake ng proyekto sa halagang P2.95 milyon.

May plano ding magtayo ng 500mw na offshore wind project sa San Miguel Bay ang NEXIF Ratch Energy, isang kumpanyang nakabase sa Singapore. Nagkakahalaga ito ng P90 bilyon ($1.5 bilyon) at planong sakupin ang 6,237 ektarya ng karagatan. Nakakuha na ang kumpanya ng “pre-development environmental compliance certificate” mula sa Department of Environment and Natural Resources noong Marso.

Maliban sa mga offshore wind farm, may tinatayong 58.5MW onshore wind farm sa Barangay Pag-Oring Nuervo, Libmanan, Camarines Sur ng Aboitiz Power Corp. Nakatakda itong matatapos sa 2026.

Ayon sa DOE, umabot sa 57 offshore wind projects ang ginawaran nito ng service contracts sa buong Pilipinas.

Source link