Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Migrante-Middle East sa pagtindi ng sagupaan na sinimulan ng agresyon ng Israel laban sa mamamayan ng Iran. Ang serye ng pagbobomba ng Zionistang estado noong Hunyo 13 ay nagbubunsod ng ganting-atake ng Iran, ay naglalagay sa panganib sa buhay ng lahat ng mamamayan at migrante sa Middle East. Nasa 30,000 Pilpinong migrante ang nagtatrabaho ngayon sa Israel, mahigit 1,000 sa Iran at mahigit 2 milyon sa buong Middle East.
Isinisi ng Migrante Middle East ang panganib na nararanasan ng mga Pilipino sa mga labanan na sinimulan ng mga Zionista.
“Sila ang salarin sa pagkawala ng tirahan ng mg pamilyang Pilipino-Palestinian na lumikas mula sa Gaza, at mga OFW sa Lebanon at Syria. Ang mga gera nila ang naglalagay sa panganib ng detensyon sa mga Pilipinong marino dahil napipilitan silang dumaan sa lugar ng digmaan malapit sa Yemen,” ayon sa grupo.
Nasa 150 na mga Pilipinong migrante sa Israel ang humingi na ng tulong para makauwi sa Pilipinas. Pero mayorya sa 30,000 migrante, karamihan ay mga nagtatrabaho bilang kasambahay o taga-alaga ng matatanda at mga maysakit, ay nag-aatubiling umuwi dahil ayaw sa takot na mawalan ng hanapbuhay.
“Kung meron disenteng trabaho na may magandang sahod, hindi na sana ako at ang ibang mga Pilipino nag-abroad,” pahayag ni Charlot David, nagtatrabaho sa Israel sa nakaraang 17 taon,
“Siguro kung mas tumindi ang aistrikes malapit sa syudad ko, pwedeng magbago ang desisyon ko. Mas takot akong umuwi sa Pilipinas at walang trabaho. Umaasa ang pamilya ko sa akin,” pahayag ni Dexter Datu, isang caregiver at myembro ng Migrante-Middle East.
Nagpahayag si Hans Cacdac, kalihim ng Department of Migrant Worker na magbibigay sila ng pinansyal na ayuda ng katumbas ng 4-6 na buwan na sahod para sa mga migrante na uuwi.
Ngunit ayon kay Datu, ay maliit lamang ang binibigay na ayuda nang DMW kapag nakauwi na sila sa Pilipinas.
Makakatanggap lamang sila ng kabuuang ₱125,000 (US$ 2,190) mula sa iba’t ibang ahensya habang ang karaniwang sahod ng Pilipinong tagapag-alaga ay 4,800 hanggang 5,800 shekels (US$ 1,370 at US$ 1,655) kada buwan.
“Hindi ito sapat para sa amin para magsimula muli at hindi na mag abroad,” paliwanag ni Datu.
“Nanawagan kami sa administrasyong Marcos na mag-organisa ng sistematikong pagsalo sa mga Pilipino sa Israel, Lebanon, Jordan at Syria. Dapat magbigay rin sya ng trabaho at nakabubuhay na sahod ang mga Pilipino upang hindi na nila ilagay ang kanilang mga sarili sa panganib para lamang may maipakain sa kanilang pamilya.”
“Kinukundena namin ang brutalidad ng Zionistang Israel laban sa Iran. Sila ang numero unong kalaban ng tunay na kapayapaan para sa mga mamamayan at migrante sa Middle East,” ayon sa grupo. Nanawagan ito sa mga migranteng Pilipino na tutulan ang gerang agresyon ng Israel at amo nitong US.
“Kasama ang mga Palestino, Iranians, at lahat ng aping mamamayan, magkaisa nating labanan ang imperialismo at pasismo,” panawagan ng Migrante International.