Ang Bayan Ngayon » Mga mangingisda sa Taal Lake, nalulugi dahil sa napakababang bentahan ng isda

Dumaranas ngayon ng pagkalugi ang mga mangingisda ng Taal Lake dahil sa pagkaaligaga at takot na idinudulot sa mga mamimili ng mga balita ng mga “itinapong bangkay” sa lawa kaugnay ng “nawawalang mga sabungero.” Bumagsak ang presyo sa merkado ng isda, partikular na ang tawilis, na nahuhuli sa Taal Lake na dahilan ng mababang bentahan ng mga mangingisda.

Ayon sa Taal Lake Aquacultural Alliance Inc. (TLAAI), ramdam na ramdan nila ang pagbagsak ng bentahan ng tawilis habang bumebenta pa ang bangus at tilapya ngunit mas kaunti kumpara dati. Nanawagan sila sa gubyerno na tulungan at suportahan na makaagapay sa kanilang pagkalugi.

Sa panayam ng Manila Standard sa isang mangingisda mula sa bayan ng Cuenca, ibinahagi niyang mula sa dating 100 kilo ng tawilis na nabebenta niya ay umaabot na lamang ngayon ng 20 kilo.

Anang TLAAI, dapat bilisan ng pambansang gubyerno ang isinasagawang operasyon ng paghahanap sa Taal Lake para mawala na ang nalilikhang takot nito sa mga konsyumer. Dagdag pa ng grupo, dapat ilinaw sa publiko na tanging 10 ektarya sa 24,000 ektarya ng Taal Lake ang saklaw ng mga operasyong ito.

Nanawagan rin ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng malinaw na tugon at suporta para sa mga mangingisda. Kabilang sa mga iminungkahi ng grupo ang direktang pagbili ng produkto ng mga mangingisda ng Taal sa makatwirang halaga, at aktibong paghikayat sa publiko na tangkilikin ang mga ito.

Sa nakalap na datos ng Pamalakaya, bumagsak na tungong ₱100 mula sa dating ₱250 kada kilo ang bentahan ng tawilis sa merkado. “Nakatanggap kami ng ulat na dagsa ang mga tawilis na nagkakahalagang P100 kada kilo sa ilang bayan sa Cavite. Kung gaano kababa ang presyo ng tawilis sa pamilihan, tiyak na higit ang pagbagsak ng farmgate nito sa mga mangingisda ng Taal, na magiging dahilan ng kanilang pagkalugi,” pahayag ni Fernando Hicap, tagapangulo ng grupo.

Ayon pa kay Hicap, “hindi na kakayanin ng mga mangingisda ang ganitong pagkalugi dahil ilang buwan na nilang iniinda ang epekto ng Habagat kung saan nagiging matumal ang pagpalaot.”

Source link