Mga manggagawang pangkaunlaran, nagsampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga tagalitis ng DOJ

Nagsampa ng mga kasong kriminal at administratibo ang mga manggagawang pangkaunlaran ng Community Empowerment Resource Network (CERNET) Inc. at mga aktibista sa Cebu laban sa mga tagalitis ng Department of Justice (DOJ) noong Hulyo 30 sa Office of the Ombudsman-Visayas. Hakbang ito ng mga grupo para panagutin ang mga upisyal ng gubyerno sa kanilang paggamit sa batas para gipitin sila at iba pang progresibo.

Ang reklamo ay kaugnay ng tinawag nilang hindi maayos na pagproseso ng mga tagalitis sa kasong “terrorism financing” na inihain ng Armed Forces of the Philippines Visayas Command (AFP Viscom) laban sa tinaguriang “CERNET 27.” Imbwelto sa reklamo si Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong, lider ng Task Force on Counter-Terrorism and Terrorism Financing, at iba pang mga tagalitis ng DOJ.

Noong Mayo 2023, nagsampa ng reklamo ang AFP sa DOJ kaugnay ng “terrorism financing” laban sa CERNET 27. Ang mga biktima ay kinabibilangan ng apat na doktor, dalawang abugado, mga pari at manggagawang pangkaunlaran. Idinawit din sa kaso si Jaime Paglinawan, presidente ng AMA Sugbo-KMU, na isa sa mga kaugnayang organisasyon ng CERNET. Mayroon namang isang indibidwal na hindi kilala ng grupo at tatlo ang pumanaw na.

Unang nabatid ng CERNET ang kaso noong Agosto 2023 nang makatanggap ang upisina nito ng subpoena o pagpapatawag mula sa DOJ. Ginamit na batayan para sa kaso ang isang “saksi” ng AFP na si Bernabe Nieves, na dating istap ng CERNET. Si Nieves ay matagal nang sinisante dahil sa grave misconduct at mga paglabag sa code of ethics ng organisasyon.

Pinalalabas sa salaysay ni Nieves na nagbigay ang CERNET ng ₱135,000 sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South East Negros sa Dumaguete City noong Setyembre 2012.

Nagdesisyon pabor sa reklamo ng AFP ang task force ni Ong noong Mayo 8, 2024 at nagsampa ito ng reklamo sa isang lokal na korte sa Cebu. Noong Mayo 13, 2024, naglabas ng mandamyento de aresto ang korte sa Cebu laban sa CERNET 27.

Kaagad na umalma ang CERNET 27 laban sa pagpapaaresto sa kanila ng korte laluna at sinabi ng mga abugado ng grupo na hindi sila binigyan ng resolusyon ng DOJ kaugnay ng paunang imbestigasyon na isinagawa ng ahensya noong Setyembre 2023. Katunayan, ikinagulat nila noon na mayroon nang kasong nakasampa sa korte.

Para sa pansamantalang kalayaan ng mga kinasuhan, nagpyansa noong Mayo 2024 ang 23 sa 27 na mga akusado. Itinakda ng korte ang pyansang ₱200,000 kada indibidwal sa kabila ng rekomendasyon ng DoJ na huwag silang pahintulutang magpyansa.

Dagdag patunay sa kainutilan ng kaso ang pagbasura ng Regional Trial Court-Branch 74 sa Cebu City noong Hunyo 24, 2024 sa “terrorism financing” na isinampa ng DOJ at AFP kina Geraldine Labradores at Msgr. Merlin Logronio, dalawa sa CERNET 27. Parehong patay na ang dalawa nang isinampa ang kaso.

Kabi-kabilang suporta rin mula sa mga organisasyon ng mga manggagawang pangkaunlaran, grupo sa karapatang-tao at internasyunal na mga grupo at institusyon ang natanggap ng CERNET 27. Panawagan nilang ibasura na ang gawa-gawang kaso laban sa mga biktima.

Ang pagsasampa ng kaso ng mga kasong kriminal at administratibo ng ilang myembro ng CERNET 27 ay hakbang nila para makakuha ng hustisya at pananagutan.

Source link