Mga manggagawa sa call center, nanawagang magdeklara ng “agarang panganib” ang DOLE

Nananawagan ang BPO Industry Employees Network (BIEN) sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa mga kumpanyang BPO na kagyat na magdeklara ng “imminent danger” o agarang panganib sa mga pinagtatrabahuan na apektado ng matinding pag-ulan at pagbaha sa Kamaynilaan at sa ibang sentrong lunsod.

Nakatanggap ang BIEN ng mga ulat mula sa mga manggagawa sa BPO na pinipilit silang pumasok sa upisina sa kabila ng mga kalsada nang binaha, walang maayos na transportasyon at masungit na panahon. Marami ang nangangamba na madeklarang absent o leyt kahit na banta sa kanilang buhay ang sitwasyon.

Ayon sa RA 11058 o An act strengthening compliance with OSH standards, may karapatan ang isang manggagawa na hindi pumasok sa kanyang trabaho kung may kaakibat na panganib (imminent danger) sa kanyang kaligtasan at kalusugan.

Sa ilalim din ng sariling patakaran ng DOLE na Occupational Safety and Health Standards, ang mga employer ay may tungkulin na isuspende ang trabaho kung manganib para mga manggagawa.

“Hindi natin pwedeng tanggapin ang ‘business as usual’ o parang normal na araw lang habang karamihan sa ating kapwa manggagawa ay naglalakad sa baha, binubuwis ang kanilang kaligatasan at kalusugun para lang pumasok sa trabaho,” pahayag ni Mylene Cabalona, presidente ng BIEN. “Kung may pagpapahalaga ang gubyerno at ang ating mga employer sa buhay ng mga manggagawa, dapat nilang kilalanin na malinaw na mapanganib ang sitwasyon at hindi lang simpleng abala,” aniya.

Iginigiit ng BIEN na ang kasalukuyang masamang panahon ay malinaw na pasok sa pamantayang iyon—mula sa mga kalsada na lubog sa baha, walang kuryente at walang maayos na transportasyon.

“Hinahamon namin ang DOLE na ipatupad ang sarili nitong mandato at utusan ang mga kumpanyang BPO na pahalagahan ang kaligtasan ng kanilang manggagawa sa halip na ang kita. Hindi sapat na hayaan ang mga kumpanya na magdesisyon,” paliwanag ni Cabalon.

Nanawagan ang BIEN sa mga kumpanya na agad na magpatupad ng remote work option, flexible shifts, at patakarang “no fault attendance” sa lahat ng apektadong lugar. “Ang teknolohiya ay nagbibigay sa ating industriya na makapagtrabaho kahit saan, kaya walang dahilan para ilagay sa panganib ang buhay ng manggagawa para lang maabot ang Key Perfomance Indicator,” diin ni Cabalon.

Habang tumitindi ang epekto ng pabago-bagong panahon, nananawagan ang BIEN para sa national safety protocol para sa mga nasa industriya ng BPO. Nag-eempleyo ang sektor ng mahigit 1.8 milyong manggagawa at karamihan sa kanila ay nagtatrabaho tuwing gabi at bumibyahe sa delikadong mga oras.

Source link