Mga mamamayan ng Barangay Tartaria, ginigipit ng MTF ELCAC at 2nd CMO TF-Ugnay

Nakaamba ngayong kampuhan ng 2nd Civil Military Operation(CMO) Company at Task Force Ugnay ang komunidad ng Tartaria sa Silang Cavite para gipitin tuluy-tuloy na paglaban ng mga magsasaka at residente at palayasin sila sa lugar.

Binubuo ang Task Force Ugnay ng pinagsamang pwersa ng 2nd CMO Battalion sa ilalim ng 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army at PNP Regional Office Calabarzon. Una nang pinailalim sa militarisasyon ng TF Ugnay ang komunidad ng Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite noong 2024. Noong Abril 2 ay nagpahayag ito na planong pagkampo sa komunidad ng Tartaria.

Mahigit anim na dekada nang pinipilit agawin ng panginoong maylupang Aguinaldo mula sa mga magsasaka ang lupa sa Tartaria. Katuwang ang burgesyang kumprador na pamilyang Ayala, planong ng mga Aguinaldo gamitin ang lupa pang-komersyo. Ilang beses nang ginipit, sinaktan, tangkang paslangin, pinagnakawan, sinira ang mga panananim at iligal na binakuran ang lupain ng mga myembro ng Samahang Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (SAMATA) ng mga tauhan ng Aguinaldo-Ayala upang sindakin at palayasin sila sa kanilang panirikan.

Noon Hulyo 5 at 12, sa utos ng 2nd CMO Company at Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (MTF ELCAC), pinatawag ng mga upisyal ng barangay ang mga myembro ng 4Ps, BHW, Buklod Bahayan Homeowners Association upang talakayin ang E070, mga programa ng NTF-ELCAC at Red-tagging sa SAMATA at sa mga organisasyon na nagsusulong ng karapatan ng mamamayan.

“Makakaya ba nating manahimik na lamang kung naririyan ang banta ng pagpapalayas sa lupang sakahan at panirikan? Instrumento ng mga Aguinaldo-Ayala ang NTF-Elcac, 2nd CMO TF Ugnay para maituloy ang kontra-mamamayang land-use conversion,” paliwanag ng grupong SAMATA.

Ayon sa grupo, habang papalapit ang banta ng pagbase ng 2nd CMO TF Ugnay ay mas lumalakas ang loob ng Aguinaldo-Ayala sa pagpapalayas ng mga taga-barangay. Noong Hulyo 8, sa kabila ng kawalang utos ng korte ay dinemolis ng Jarton Security Agency ang ilang tindahan ng mga mwebles sa barangay, at ninakaw kahit ang alagang baka ng magsasaka.

Nananawagan ang SAMATA sa mga magsasaka at mamamayan ng Tartaria na magkaisa upang labanan ang banta ng militarisasyon at pagkampo ng mga elemento ng NTF-ELCAC at 2nd CMO TF Ugnay sa kanilang barangay.

Source link