Nagbarikada at nanindigan ang mga magsasaka at residente ng Barangay Taltal sa Masinloc, Zambales laban sa demolisyon at pangangamkam ng pamilyang Yap sa 32-ektaryang lupang sakahan sa Sityo Togue noong Hunyo 19. Sa gitna ng demolisyon, limang magsasakang lider at kasapi ng Samahang Magsasaka at Mangingisda sa Barangay Taltal (Sammbat) ang inaresto ng mga pulis.
Tinangka ng pamilyang Yap na suhulan ng tig-₱31,000 ang 13 lider ng Sammbat para makatuwang sila sa demolisyon, subalit tinanggihan ito ng mga lider. Tahasang binalewala ng mga Yap ang hiling ng mga residente para sa isang mapayapang negosasyon.
Sumugod sa komunidad ang mga magpapatupad ng demolisyon sa pangunguna ni Sheriff Roy Mendones ng upisina ng Provincial Sheriff sa Regional Trial Court ng Iba, Zambales kasama ang humigit-kumulang 50 pulis. Ikinulong ng mga pulis sina Neil Edward Geroca, tagapagsalita ng grupo, si Claire Elfalan, kalihim ng Sammbat, at mga kasapi nito na sina Elmer Nollas, Elmer Madarang, at Alex Mose.
Kakasuhan ang mga magsasaka ng obstruction of justice, direct assault, resistance & disobedience (o Violation ng Art. 151 ng Revised Penal Code) at pisikal na pananakit. Pinalalabas ng pulis na nakumpiska sa kanila ang molotov at tirador. Nagkakahalaga ng ₱50,000 kada tao ang pyansa para mapalaya ang mga inaresto.
Naganap ang demolisyon sa kabila ng piket-dayalogo ng Sammbat sa Department of Agrarian Reform Provincial Office (DARPO) sa Iba, Zambales noong Hunyo 10. Hiniling nila noon sa kagawaran na muling magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng kanilang pag-angkin at karapatan sa lupa.
Ang Sammbat ang grupo ng mahigit-kumulang 90 na magsasaka at mangingisda (400 indibidwal kasama ang pamilya) na naninirahan sa halos 100 kabahayan sa loob ng 32 ektaryang lupa. Kinakamkam ang lupa nina Daniel at Edgardo Yap, sa pamamagitan ng kanilang ahente na si Jennifer Escala.
Panahon pa ng Hapon, sinasaka na ng mga taga-Taltal ang lupang inaagaw sa kanila ng pamilyang Yap. Kabilang ang 32 ektarya sa kabuuang 55 ektaryang lupa na pinasasaklaw sa ilalim ng programang pamamahagi ng lupa. Unang naipamahagi ang 23 ektaryang lupa noong 1992 habang ipinangako ng DARPO na kagyat ding isusunod ang pamamahagit sa 32 ektarya.
Patuloy na binungkal at pinagyaman ng mga magsasaka at mangingisda ang lupa sa Barangay Taltal. Noong 2004, idineklara ng DARPO na “not suitable for agriculture” ang nasabing lupang sakahan. Batid ng mga magsasaka na paraan ito para bigyang daan ang kumbersyon sa lupa na itinutulak ng pamilyang Yap.
Para hamunin ang desisyon ng DARPO, nagsampa ng petisyon ang Sammbat sa DAR Central Office para bawiin ang desisyon. Noong Hunyo 2024, muling naitulak ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa matapos isagawa ang isang dayalogo sa DAR. Nakamit nila noong Marso, matapos ang isang kampuhan, ang isang Certificate of Pendancy o pagpapatunay na mayroon pang usapin sa lupa.
Gayunman, sa kabila ng sertipikasyon at petisyon ng mga magsasaka sa DAR, naglabas ng desisyon ang isang korte sa Zambales pabor sa demolisyon noong Mayo. Umapela ang Sammbat sa gubernador ng prubinsya ngunit wala itong ginawa.
Nakiisa ang Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luson at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa pakikibaka ng mga taga-Taltal. Nanawagan sila ng suporta at sama-samang pagpunta sa Barangay Taltal para makiisa sa laban ng komunidad.