Ang Bayan Ngayon » Mga maanomalyang proyektong imprastruktura, pinondohan mismo ni Marcos

Sa sesyon ng Kongreso noong Setyembre 30, ibinunyag ng kinatawan ng ACT Teachers at Deputy Minority Leader na si Antonio Tinio ang walang kapantay na korapsyon sa pondo ng bayan sa anyo ng unprogrammed appropriations (UA) na hawak ni Ferdinand Marcos Jr.

Isiniwalat ni Tinio na na si Marcos mismo ang nag-apruba sa 3,700 proyektong imprastruktura na nagkakahalaga ng ₱214.4 bilyon sa taong 2023-2024. Ang ilan sa mga proyektong ito ay nasalang na sa mga pagdinig sa Senado at napatunayang mga ghost at substandard na proyekto. Ginawa lamang ang mga ito na palabigasan ng mga upisyal ng gubyerno, mula sa upisina ng pangulo hanggang sa mga district engineer ng mga munisipyo. Malalaki rin ang nakurakot na pondo ng mga pribadong kontraktor tulad ng mag-asawang Discaya at kapamilya ni Zaldy Co.

Batay sa upisyal na datos mula sa Department of Budget and Management, idinetalye ni Tinio na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay tumanggap ng ₱61.4 bilyon na UA noong 2023 para sa 1,889 proyekto at ₱153 bilyon noong 2024 para sa 1,811 proyekto. Ang pinakamalaking bahagi o ₱141 bilyon nito ay para sa mga proyektong flood control, habang ang natitira ay para sa pagkumpuni ng mga kalsada at mga multi-purpose na gusali. Ang UA ay mga lump-sum na alokasyon na hindi idinedetalye sa General Appropriations Act at inilalaanan sa kung anu-anong proyekto sa paraang hindi isinasapubliko.

“Parang may hiwalay na isa pang infrastructure budget,” ani Tinio kaugnay sa napakalaking UA ng pangulo. Idiniin niya na umaabot ang unprogrammed appropriations sa makasaysayang ₱807 bilyon noong 2023, ₱731 bilyon noong 2024, at isang inaasahang ₱363 bilyon sa 2025. Tinawag niyang “pambihira” ang paglobo ng UA sa nakaraang 10 taon.

Ayon kay Tinio, karamihan sa mga proyektong tinutustusan ng UA ni Marcos ay nakatuon sa Regions III, IV-B, V, at VII, mga lugar na sentro ngayon ng imbestigasyon dahil sa mga palpak at ghost na proyekto.

Binigyang-diin ni Tinio na sa ilalim ng Section 35, Chapter 5, Book 6 ng Executive Order No. 292, lahat ng naturang gastusin ay nangangailangan ng basbas ng pangulo. “Ang nag-approve ng lahat ng mga proyektong ito ay ang Presidente mismo,” deklara ni Tinio, taliwas sa pahayag Malacañang na walang papel si Marcos sa korapsyon na may kaugnayan sa imprastruktura.

“Ang sabi po ng Palasyo na wala pong role ang Presidente sa issue ng flood control: ‘Hindi siya involved sa corruption.’ Gayunman, ang malinaw po na na-establish natin – ang approval ng almost 4,000 additional infrastructure projects funded from unprogrammed appropriations ay lahat po yan, para mapondohan, kailangang aprubahan po ng Presidente,” pagdidiin ni Tinio. Bago nito, sinubukang ilihis ng DPWH ang pananagutan ni Marcos sa pagsasabing ang Department of Budget and Management lamang ang nag-aapruba ng mga proyekto.

Alinsunod na rin sa mga naisapublikong listahan, kabilang sa mga inaprubahan ni Marcos na kunin mula sa UA ang mga proyektong flood control ng mga Discaya sa Hagonoy (ghost project, nagkakahalaga ng ₱193 milyon, pinondohan ng UA 2024), Calumpit (substandard, ₱96.49 milyon, pinondohan ng UA 2023), Plaridel (overpriced/substandard, ₱300 milyon, UA 2024), Cebu (iniimbestigahan, ₱149.5 milyon, UA 2024), Pasig City (₱500 milyon, UA 2023-2024) at Quezon City (₱1 bilyon, UA 2023). Ayon sa mag-asawang Discaya, pati mga inhinyerong nabunyag na nangurakot sa proyekto, kalakaran na ang pagbibigay nang hanggang 30% ng pondo sa mga kongresista at senador.

“Dapat tigilan na ni Presidente Marco ang paghuhugas-kamay at ipaliwanag sa publiko kung paano at bakit niya inaprubahan ang 3,700 proyektong imprastruktura mula sa kanyang presidential pork barrel, ang Unprogrammed Appropriations,” ayon kay Tinio.

Bago nito, nabunyag na rin sa pamamagitan ng espesyal na ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na tumanggap si Marcos ng di bababa sa ₱21 milyong kontribusyon para sa kanyang kandidatura noong 2022 mula sa dalawang kumpanya sa konstruksyon. Ilang beses na lumago ang mga kumpanyang ito matapos siya maupo sa poder.

Source link