Nagsama-sama ang mga kawani, guro at manggagawang pangkalusugan sa pampublikong sektor sa isang protesta noong Hulyo 11 sa Quezon City para ipanawagan sa rehimeng Marcos ang dagdag sweldo at katiyakan sa trabaho. Isinagawa nila ang pagkilos ilang linggo bago ang ika-4 na state of the nation address ni Ferdinand Marcos bilang pagdidiin sa matagal na nilang kahingian.
Pinangunahan ang pagkilos ng All Government Employees Unity na binubuo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), Alliance of Health Workers (AHW) at Alliance of Concerned Teachers (ACT). Dumalo at nakiisa sa pagkilos ang grupong Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (Kalakon).
Pangunahin nilang panawagan ang pagtugon ng estado sa bumabagsak na kalidad ng buhay ng mga kawani sa harap ng tumataas na implasyon. “Hindi sapat ang pagtaas ng sahod na ipinatupad sa bisa ng Executive Order No. 64 ng Malacañang noong nakaraang taon,” ayon kay Manny Baclagon ng Courage.
Sa ilalim ng EO64, kakarampot na ₱530 na dagdag sa Salary Grade 1 Step 1 na empleyado o ₱26 kada araw lang ang itinaas nito sa sweldo. Naggawad din ang EO ng ₱7,000 medikal na alawans sa mga kwalipikadong kawani.
Napakababa na nga, ibinibigay pa ang dagdag sweldo sa loob ng apat na tranche na nagsimula noong 2024 at hanggang 2027. Kahit matapos ang ika-apat na tranche, aabot lamang sa ₱15,208/buwan ang pinakamababang tatanggaping sweldo ng mga kawani.
“Hindi naitataas ng EO 64 sa antas ng sapat na sahod ang pambansang minimum na sahod ng mga kawani sa gubyerno,” ayon kay Baclagon. Malaon nang panawagan ng Courage ang minimum na ₱33,000 buwanang sweldo para mabuhay nang disente ang isang kawani at kanyang pamilya.
Liban dito, hindi isinama sa EO64 ang pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) at mga Job Order/Contract of Service (JOCOS). “Hindi nito tinugunan ang agwat sa kita ng mga manggagawa sa lokal na pamahalaan, at hindi nito naitaas sa mas disenteng antas ang panimulang sahod ng mga guro sa publikong paaralan at mga nars, bukod pa sa iba,” dagdag ni Baclagon.
Ayon sa Courage, sa halip na disenteng pagtaas ng sahod ay magpapatupad ang rehimeng Marcos ng programa ng rightsizing ng burukrasya na isa sa pangunahing panukalang batas na itinutulak nito. Inilalako ng rehimen ang panukala bilang pagpapaunlad sa operasyon ng isang ahensya sa pag-aayos ng istruktura nito. Sa likod nito, itinutulak ang malawakang tanggalan sa mga kawaning JOCOS.
Ayon sa Kalakon, kailangan makataong itrato ng rehimeng Marcos ang mga kawani dahil sila ang dumaranas ng hirap upang makapagbigay ng maayos na serbisyo sa publiko. “Kailangan nitong wakasan ang kontrakwalisasyon sa hanay ng mga kawani at huwag pahintulutan ang mga patakarang pupuksa sa kanilang kabuhayan,” anang grupo.
Samantala, binatikos ng mga grupo ang tumaas ngayong taon na pondo para sa confidential funds at iba pang mga pondo na madaling pagkunan ng kurakot at kikbak. Anila, hindi malabong tuluy-tuloy pa itong tataas sa susunod na mga taon habang bumababa naman ang pondo para sa mga pangunahing serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan at edukasyon.