Buong sigla nating ipagbunyi ang nalalapit na ika-60 anibersaryo ng Kabataang Makabayan sa Nobyembre 30. Magbalik-tanaw tayo sa hindi matatawarang ambag nito sa kasaysayan ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Lalong mahalaga, tanawin natin ang higit na malaki pa at krusyal na maiaambag ng Kabataang Makabayan at ng rebolusyonaryong kilusang kabataan sa nagpapatuloy na pakikibaka para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya.
Ilaan natin ang okasyong ito para bigyan ng pinakamataas na parangal si Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng KM at ng Komite Sentral ng Partido, sa kanyang militante at matapang na rebolusyonaryong pamumuno. Bigyang-pugay din natin ang lahat ng naging bayani at martir na iniluwal ng KM, na marami’y naging namumunong mga kadre ng Partido, mga Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), at nagsilbing mga organisador ng rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan.
Ang pagtatag ng KM, anim na dekada na ang nakararaan, sa araw ng kapanganakan ng bayaning si Andres Bonifacio, ang panandang-bato sa pagpapanibagong-sigla sa naudlot na pakikibaka para sa pambansang kalayaan. Iwinagayway ng KM ang Pulang bandila at kinilala ang pangangailangang muling bagtasin ang landas ng armadong rebolusyon para kamtin ang dantaong hangarin ng bayan para sa pambansang kalayaan.
Masugid na nag-aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang mga kasapi ng KM bilang siyentipikong moda ng pag-iisip, at ginamit iyon para suriin, ilantad at batikusin ang mapang-api at mapagsamantalang kalagayan ng mamamayan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Nanawagan ito sa bayan na ipaglaban ang ganap na kalayaan at demokrasya, pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa.
Puspusang nagpropaganda ang KM sa mga kabataan at masa, nagtayo ng mga balangay at naglunsad ng mga aksyong masa dala ang makabayan at demokratikong mga panawagan. Mula ilampu at daan-daan, naging puu-puong libong kabataan ang lumahok sa mga demonstrasyon sa lansangan na pinangunahan ng KM na yumanig sa katatagan ng neokolonyal na estado na bumaling sa paggamit ng pasistang panunupil.
Ang pagbubuo ng KM noong 1964 ay nagsilbing paghahanda para sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968. Sinanay ng KM ang mga proletaryong rebolusyonaryo na bumuo ng unang gulugod ng Partido. Sa pamamagitan ng KM, natiyak ng noo’y bagong tatag na Partido na malawak itong nakaugat sa hanay ng masang manggagawa, magsasaka, malaproletaryado at iba pang aping uri at sektor. Inani ng Partido ang laksang binhing inihasik ng KM upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa buong bansa.
Nang ipinataw ni Marcos Sr ang batas militar noong 1972, napilitang kumilos nang lihim ang KM upang patuloy na mag-organisa sa kalunsuran, habang marami rin ang nagtungo sa kanayunan upang lumahok sa kilusang magsasaka at armadong pakikibaka. Isa ito sa unang bumuo ng National Democratic Front na nanguna sa pagbubuklod ng sambayanan laban sa diktadurang Marcos. Sa pamamagitan ng puspusang paglaban, unti-unting muling nabuksan ang hayag na larangan ng paglaban na malao’y dumaluyong sa mga welga at mga aksyong protesta, na humantong sa pagbabagsak sa tiraniya.
Sa nagdaang mga dekada, ang KM ay nagsilbing mahigpit na katuwang ng Partido sa pagbalikat ng mga tungkulin sa pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa pamamagitan ng KM, katuwang ang BHB at iba pang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, tuluy-tuloy na nadaragdagan ng sariwang dugo ang Partido at natitiyak na palagian itong masigla at masigasig.
Naging kaagapay ng Partido ang KM sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992 sa pagwaksi at paglaban sa mga elementong nagtaksil sa Partido, at nagtangkang ilihis ang rebolusyonaryong kilusan, kundi man sa landas ng repormismo, ay sa landas ng adbenturismo. Inihiwalay ng mga disoryentasyong ito ang kilusang kabataan sa kilusan ng batayang masa at sa armadong pakikibaka, at unti-unting pinahina ang KM at buong kilusang kabataan. Sa pagwawasto, muling pinalakas ang KM bilang komprehensibong rebolusyonaryong organisasyon. Sa nagdaang mga dekada, nanatiling balon ang KM ng bagong mga kadre ng Partido at bagong mga Pulang mandirigma ng BHB.
Katuwang ang KM, tiyak ang Partido na magtatagumpay ang kasalukuyang malawak na kilusang pagwawasto at sa pagbagtas sa landas ng muling pagsulong. Dapat patuloy na palakasin ang KM upang pakilusin ang mga kabataan sa landas ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Dapat puspusang iwaksi ang mga mapaminsalang kaisipan at gawing petiburges, kabilang ang liberalismo, ultra-demokrasya, anarkismo, at iba pang mga konseptong pinakakalat ng burgesya na labis na nagpapalaki sa indibidwalismo at naghihiwalay sa kanila sa masa.
Sa gitna ng krisis ng naghaharing sistema, tungkulin ng KM at ng pambansa-demokratikong mga pwersa na malawakang pukawin ang mga kabataan at estudyante, buklurin ang kanilang hanay, at maramihan silang pakilusin sa landas ng paglaban. Dapat itayo ang KM, kasama ang iba pang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, sa lahat ng lugar na naroon ang mga kabataan. Inaasahan ang mga kabataan na aktibong lumahok sa mga pakikibakang bayan laban sa pasismo at terorismo ng estado, maka-dayuhang mga patakarang pang-ekonomya, panghihimasok militar ng US, imperyalistang panunulsol ng gera, at sa mga demokratikong pakikibaka ng masang manggagawa, magsasaka at iba pang sektor.
Dahil nagpapatuloy ang pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino ng imperyalismong US, katuwang ang mga burgesyang komprador, panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Marcos, nananatili ang batayan para patuloy na palawakin at palakasin ang Kabataang Makabayan. Habang hindi malutas-lutas at palubha nang palubha ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, at ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas, lalong kinakailangang isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya, sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.
Mahaba pa at matinik ang landas na tatahakin, marami pa ang kailangang gawing sakripisyo para isulong ang mahirap na pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Tiwala ang Partido na mananatiling matatag nitong katuwang ang KM, sampu ng iba pang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, sa pagsulong at pagkamit ng mga tagumpay.