Naglunsad ng piket at aktibidad ang mga guro at kanilang samahan sa 212 paaralan sa National Capital Region (NCR) noong Nobyembre 7 bilang bahagi ng lingguhang protestang Black Friday Protest para panagutin ang rehimeng Marcos sa katiwalian at kawalang tugon sa kahingian ng mga guro. Pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) NCR Union ang pagkilos na, anila, ay paghahanda rin para sa isasagawang pambansang “sit-down strike” ng ACT Philippines sa Nobyembre 28.
Ayon sa ACT Philippines, matagal na nilang panawagan ang makabuluhang dagdag sweldo, sapat na pondo sa edukasyon at pagkalinga sa mga guro ngunit sa halip na ibigay ay napupunta ito sa korapsyon. “Hindi naman kami humihingi ng luho—ang ipinapanawagan namin ay ang nararapat lamang sa amin,” pahayag ni Ruby Bernardo, tagapangulo ng ACT Philippines.
Dagdag ng lider-guro, “ang kinabukasan ng mga estudyante ang nakataya rito, kaya hindi pwedeng hindi kami magsalita.” Ayon kay Bernardo, lubhang nakakadismaya dahil habang naglulustay ang rehimeng Marcos ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng lahat ng tipo ng pork barrel ay binibigyan ng mumo at barya-baryang sweldo ang mga guro.
Ayon kay Bernardo, sa susunod na Black Friday Protest ay inaasahang lalahok ang mga unyon ng ACT Philippines mula sa iba’t ibang rehiyon at prubinsya. “Sapat na ang mga pangako—kailangan namin ng kongkreto at agarang aksyon mula sa gobyernong ito,” pahayag niya.
Sa nakatakdang sit-down strike ng mga guro, inihayag ni Bernardo na direkta nilang sisingilin si Marcos sa kanyang pangunahing pananagutan sa malawakang korapsyon at kawalan ng sapat na suporta sa edukasyon. “Hindi lang siya simpleng tagamasid—siya ang utak na nagpahintulot, kung hindi man nagplano, ng sistemikong pandarambong sa pondo ng bayan,” ayon kay Bernardo.
Sa ilalim ni Marcos ay nawala ang bilyun-bilyong pondong nakalaan sana para sa mga klasrum, sweldo ng mga guro, at materyal sa eskwelahan dahil nilustay sa maanomalyang mga kasunduan, ghost project, at napakalalaking confidential fund, ayon kay Bernardo.
“Ang laban na ito ay hindi lamang para sa mga guro—para ito sa bawat batang Pilipino na pinagkakaitan ng kalidad na edukasyon dahil sa korapsyon at kapabayaan,” ayon kay Bernardo. Idineklara ng ACT Philippines na hindi titigil ang kanilang organisasyon sa pagkilos hanggang hindi nakakamtan ang hustisya, transparency at tunay na reporma sa sistema sa edukasyon sa bansa.
Ang Black Friday Protest ay linggu-linggong protesta na inilulunsad ng mga grupong bahagi ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), grupong nanguna sa 100,000 kataong protesta sa Luneta Park, Maynila noong Setyembre 21. Sa darating na Nobyembre 30, muling pamumunuan ng KBKK ang isang dambuhalang protestang bayan kontra kurakot sa Luneta Park at iba pang bahagi ng bansa. Pangunahing ipapanawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”










