Labintatlong kilalang organisasyon para sa karapatang-tao sa Israel ang lumiham kay High Representative Kaja Kallas ng European Union (EU) at sa 27 foreign ministers ng EU, sa bisperas ng pagpupulong ng Foreign Affairs Council nito. Nanawagan ang mga grupo na mapagpasayang tugunan ng EU ang malawakan at sistemikong paglabag ng Israel sa karapatang-tao at internasyunal na batas sa mga teritoryo ng Palestine, alinsunod sa nakasaad sa EU-Israel Association Agreement.
Pinuri ng mga grupo ang internal na pagsusuri ng EU na kumikilala sa “mga indikasyon ng paglabag” ng Israel. Gayunpaman, hindi sila nasasapatan sa aksyon ng EU ng pagbibigay lamang ng makataong ayuda sa Gaza, habang iniiiwasan ang mas malawak at sistematikong paglabag sa buong okupadong teritoryo ng Palestine.
Mula sumiklab ang maigting na armadong labanan noong 2023, winasak ng Israel ang malaking bahagi ng Gaza sa pamamagitan ng walang pakundangang pambobomba na direktang pumatay sa mahigit nang 57,000 Palestino. Pinulbos ng Israel ang mga bahay, ospital, eskwelahan, at mga pampublikong imprastruktura.
Sa ngayon, halos 80% ng Gaza ay hindi na maaaring tirhan at kailangan nang iwan. May mga ulat na natanggap ang mga grupo sa karapatang-tao na ginagamit ng militar ng Israel ang mga sibilyang Palestino bilang “human shield.” Maraming sugatan ang hindi nadadala sa mga ospital sa West Bank, sa kabila ng kakayahan ng mga ospital doon.
Sa West Bank, lalupang pinabilis ng Israel ang pang-aagaw ng teritoryo ng mga Palestino. Inilipat nito ang sibilyang pamamahala sa lugar tungo sa mga ministro ng Israel. Noong Mayo 2025 lamang, inaprubahan ng mga ministrong ito ang pagtatayo ng 22 bagong settlements (komunidad na itatayo para sa mga Israeli). Lumalala rin ang karahasan ng mga Israeli na settler (mga armadong sibilyan). Mula Enero hanggang Hunyo lamang, 400 insidente ng karahasan ang naitala, kung saan pinalalayas ng mga Israeli ang mga Palestino sa sarili nilang mga bahay at sinasakang lupain.
Mahigit 10,000 Palestino ang nakakulong sa mga bilangguan at kampo ng militar ng Israel. Kalahati sa kanila’y walang kaso o nakatakdang paglilitis. Kasama sa bilang ang higit 100 batang nakakulong sa ngalan ng “administratibong detensyon.” Marami sa kanila ang nakararanas ng hindi makataong kundisyon, gutom, tortyur, at kawalan ng medikal na atensyon.
Ayon sa mga grupong Israeli, animo’y kinikilala at pinapayagan na rin ang patuloy na paglabag dahil nakatuon lamang ang tugon ng EU sa ayudang makatao. Nanawagan sila ng isang komprehensibong aksyon na magbibigay-diin sa pananagutan at katarungan.
Kabilang sa mga pumirma mga independyenteng mga grupong Yesh Din, HaMoked at Association for Civil Rights in Israel.