Nagpiket ang mga grupo ng maralitang-lunsod sa panguguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa tapat ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa Quezon City noong Hunyo 20. Kinundena at siningil nila ang kawalang-hiyaan ng National Task Force (NTF)-Elcac na nagkukuta sa NICA sa mga maralita.
Iniulat ng mga grupo na sa nagdaang mga araw ay walang tigil ang lantarang Red-tagging sa komunidad ng Payatas, Quezon City dahil sa kanilang pagtindig para sa karapatan. Anila, isa sa mga taktikang ginagamit ng NTF-Elcac ay ang pagtatarget sa mga myembro ng mga organisasyong masa at aalukan ng pera at grocery packs upang “umamin” at pumaloob sa programa ng pekeng pagpapasuko ng rehimeng Marcos.
Ang Kadamay at iba pang mga demokratikong grupo at sektor ay pamalagiang idinadawit ng NTF-Elcac at ng rehimeng Marcos sa armadong rebolusyonaryong kilusan ng Bagong Hukbong Bayan na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas.
“Gamit ang pera ng taumbayan, nagkakalat ng lagim, panloloko at paggamit ng pangalan ng aming organisasyon at ng aming Vice Chairperson na si Ka Inday sa Payatas, Quezon City itong NTF-Elcac at kanilang bayarang alaga,” pahayag ni Ka Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay at naging kandidato sa pagkadsenador ng Koalisyong Makabayan.
Pagdidiin ni Doringo, ang laganap na mga suliraning kinahaharap ng maralita na hindi tinutugunan ng gubyerno ang dahilan ng paglahok sa rali, pagsasalita at pagbatikos ng sektor. “Hindi ito mariresolba ng pananakot, panunuhol,” aniya.
Dagdag pa ng lider-maralita, hindi ayudang panandalian ang kahingian ng sektor. Ang panawagan nila ay katiyakan sa kabuhayan, paninirahan, edukasyon, kalusugan at karapatan na tungkulin ng estado sa kanyang mamamayan.
Ayon kay Doringo, batid nilang mahihirap na matutugunan lamang ang armadong tunggalian sa Pilipinas sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at BHB kapag ipinatupad ang pamamahagi ng lupa sa magsasaka, nakabubuhay na sahod sa manggagawa at mga batayang karapatan ng taumbayan.
Kaisa ng Kadamay sa piket ang Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan at pangkulturang grupong Sikad.