Naglatag ng alternatibong presentasyon ang mga Pilipinong grupo ng karapatang-tao sa ika-59 na sesyon ng United Nations Human Rights Council noong pangalawang linggo ng Hunyo, kung saan inilantad nila ang tunay na kalagayan ng karapatang-tao sa bansa. Kasabay nito, inilahad ni Irene Khan, UN Special Rapporteur sa karapatan sa malayang opinyon at pagpapahayag, ang pinal na ulat na resulta sa kanyang imbestigasyon sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Nakasaad sa kanilang mga ulat ang lumalalang kalagayan ng karapatang-tao, sa partikular ang pananaig ng kultura ng kawalang pananagutan, Red-tagging, pag-atake sa mga mamamahayag, at panunupil ng estado.
Sa ulat ni Special Rapporteur Irene Khan, binigyan-diin niya ang patuloy na banta sa mga mamamahayag, tagapagtanggol ng karapatang-tao, at mga aktibista ng civil society. Tinukoy niya ang mahigit 450 insidente ng Red-tagging sa unang kalahati ng 2024, kung saan 61% ay iniuugnay sa mga ahensya ng estado tulad ng NTF-Elcac.
Binigyang-diin din ng kanyang ulat ang mga panganib na kinakaharap ng mga mamamahayag sa Pilipinas. Sa nakalipas na tatlong dekada, 117 mamamahayag ang napatay ngunit halos 10% lamang ng mga kasong ito ang nareresolba. Hinikayat ng Special Rapporteur ang rehimeng Marcos na palakasin ang proteksyon sa mga mamamahayag at muling repasuhin ang Anti-Terrorism Act of 2020 na ginagamit upang patahimikin ang mga kritiko ng estado.
Samantala, nagsumite ng alternatibong ulat sa UN Human Rights Committee ang grupong Karapatan na nagdedetalye ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang, iligal na pang-aaresto, Red-tagging, at pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso bilang anyo ng hudisyal na panggigipit. Iniulat nito, at iba pang non-government organization ang kawalang pananagutan, at pag-atake sa karapatang pang-ekonomya ng mamamayan. Panawagan nila sa UN na itigil ng mga bansang kasapi nito ang pagbibigay ng ayuda sa estado ng Pilipinas na lalo lamang nagpapalakas sa kampanyang panunupil sa bansa.
Binigyang-diin naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang malalang impunity o kawalang pananagutan sa pagpatay sa mga mamamahayag at tagapagtanggol ng karapatang-tao. Nagpasalamat si NUJP Secretary General Ronalyn Olea kay Special Rapporteur Khan sa pagbibigay-liwanag sa kabiguan ng gubyerno na tugunan ang mga isyung ito.
Marami pang grupo at sektor ang nagpasalamat sa pinal na ulat ni Khan at sinuportahan ang panawagan niya para sa ratipikasyon ng Pilipinas sa mahahalagang internasyunal na kasunduan tulad ng International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance, at muling pagpapailalim sa Rome Statute ng International Criminal Court. Ang mga hakbang na ito ay magpapalakas sa pagtatanggol ng karapatang-tao ng bansa at susuporta sa mga pagsisikap para sa mapanagot ang pinakamasasahol na tagapaglabag ng mga karapatan.